ENERO 15, 2013
FIJI
Bagyong Evan, Tumama sa mga Isla sa South Pacific
Suva, FIJI—Noong kalagitnaan ng Disyembre 2012, sinalanta ng Category 4 na bagyo ang Fiji at Samoa. Sinasabing ang Bagyong Evan ang isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa Fiji sa nakalipas na 70 taon. Sinira nito ang mga imprastraktura at libu-libo ang napilitang lumikas. Sinabi ng isang komentarista na ang pinsala ng bagyo sa Samoa ay sintindi ng pinsalang dulot ng tsunami noong 2009.
Walang iniulat ang mga Saksi ni Jehova na namatay o nasaktan sa kanilang mga miyembro. Pero maraming bahay ng mga Saksi ang nasira. Sa Fiji, mahigit 80 bahay ng mga Saksi ang nasira o nawasak batay sa unang pagtaya. Sa isla ng Upolu sa Samoa, 47 Saksi ang napilitang lumikas.
Ang mga Saksi ni Jehova sa Samoa na napilitang lumikas ay pansamantalang tumuloy sa mga dako ng pagsambang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova at sa tahanan ng iba pang pamilyang Saksi. Ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia ay gumawa ng kaayusan para higit pang makatulong sa Samoa. Noong Disyembre 18, nakapamahagi na sa apat na lokal na kongregasyon ng mga pagkain at iba pang suplay, at isang opisina ng mga Saksi ni Jehova para sa pagsasaling-wika ang pinagkunan ng malinis na tubig. Tumulong din ang isang grupo ng mga Saksi para kumpunihin ang mga nasirang bahay at linisin ang mga binahang bahay na puro putik gamit ang pressure washer. Sa Fiji, agad na tumulong sa mga biktima ng bagyo ang mga relief committee na binubuo ng mga boluntaryong Saksi. Pinag-aaralan din ng mga komiteng ito kung paano pa matutulungan ang mga kapuwa nila Saksi na nawalan ng mga pananim dahil sa bagyo.
Sinabi ni Tevita Sadole, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Fiji: “Ang daming kailangang gawin pagkatapos ng sakunang ito, pero nakakaya namin. Iniisip namin kung paano pa makakatulong sa aming mga kapananampalataya at sa iba pa.”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Australia: Donald MacLean, tel. +61 2 9829 5600
Fiji: Tevita Sadole, tel. +679 330 4766