SETYEMBRE 4, 2017
FINLAND
Finland—Mga Saksi ni Jehova Nagbigay ng Tulong at Kaaliwan sa mga Biktima ng Pagsalakay sa Turku
HELSINKI—Noong Biyernes ng hapon, Agosto 18, 2017, isa sa ating mga sister ay napatay sa Finland dahil sa terorismo laban sa mga babae. Bukod pa sa ating sister, napatay ng salarin ang isa pang babae at nasugatan ang walo katao sa pagsalakay na nangyari sa isang pamilihan sa Turku, isang lunsod sa timog-kanlurang baybayin ng Finland. Pagkatapos ng pagsalakay, ang mga kinatawan mula sa tanggapang pansangay sa Finland, ang tagapangasiwa ng sirkito, at mga elder doon ay nagbigay ng kaaliwan at tulong sa mga naapektuhan ng trahedya.
Ganito ang sinabi ni Veikko Leinonen, isang tagapagsalita sa tanggapang pansangay sa Finland: “Isa itong masaklap at nakagigitlang pangyayari. Labis naming ikinalulungkot na isa sa ating mahal na sister na payunir ay napatay sa pagsalakay na ito habang nakikibahagi sa metropolitan public witnessing. Alam namin, na sa kabila ng lahat ng pag-iingat, hindi laging maiiwasan ang ‘di-inaasahang pangyayari,’ kasama na ang karahasan at terorismo. Pero patuloy nating inaaliw ang isa’t isa, lalo na ang pamilya ng napatay na sister. Dalangin naming bigyan sana ni Jehova ng panloob na kapayapaan ang mga nagdadalamhati sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay. Patuloy rin tayong gagawa ng praktikal na hakbang at hindi magpapadaig sa labis na pag-aalala habang nagpapatuloy sa ating pagpapatotoo.”—Eclesiastes 9:11; Roma 15:13; Filipos 4:6, 7.
Ang tanggapang pansangay ay nagpadala ng liham sa lahat ng kongregasyon sa Finland para magbigay ng emosyonal at espirituwal na kaaliwan. Nag-organisa rin ang sangay ng espesyal na pulong para patibayin ang 135 kapatid na tumutulong sa metropolitan public witnessing sa Turku. Ang mga payunir ay nagpakita ng lakas ng loob at sabik na magpatuloy sa pampublikong pagpapatotoo.
Maraming nakatira sa Turku ang lubhang nabalisa dahil sa nangyaring pagsalakay sa Finland, isang bansang madalas ilarawan bilang isa sa pinakaligtas na bansa sa mundo. Kinabukasan lang matapos ang pagsalakay, may empatiyang nakinig ang ating mga kapatid at nagbigay ng espirituwal na kaaliwan habang nagpapatotoo sa pamilihan at sa bahay-bahay.
Ang tanggapang pansangay sa Finland ay nagpapasalamat sa mga panalangin at mensahe ng pag-asa mula sa mga kapatid sa buong daigdig. (1 Pedro 2:17; 5:9) Higit sa lahat, pinasasalamatan natin si Jehova, ang “Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan.”—Roma 15:5.
Media Contacts:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000
Finland: Veikko Leinonen, +358-400-453-020