Pumunta sa nilalaman

AGOSTO 6, 2019
FRANCE

Isang Bagong Bible Museum ang Binuksan ng Tanggapang Pansangay sa France

Isang Bagong Bible Museum ang Binuksan ng Tanggapang Pansangay sa France

Noong Hulyo 25, 2019, isang bagong Bible museum ang binuksan sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa France, na nasa bayan ng Louviers, mga 100 kilometro ang layo mula sa Paris. Ang tema ng museum ay “The Divine Name and the Bible in French.”

Orihinal na kopya ng 1535 Olivétan Bible sa wikang French

Makikita sa museum na ito ang maraming di-karaniwan at mahahalagang Bibliya sa wikang French. Isa rito ay ang orihinal na kopya ng 1535 Olivétan Bible sa wikang French, na tinatawag ding “La Bible de Serrières.” Ang Olivétan ang pinakaunang kumpletong salin ng Bibliya sa wikang French na ginawa ng mga Protestante. Ito rin ang unang French na Bibliya na isinalin batay sa orihinal na mga wika. Malaki ang naging epekto nito sa sumunod na mga salin ng Bibliya, kasama na ang 1537 Matthew’s Bible sa wikang English at ang Geneva Bible sa mga wikang French at English. Ang iba pang Bibliya na nakadispley ay ang 1541 ikatlong edisyon ng Bibliyang isinalin ni Jacques Lefèvre d’Étaples sa wikang French, ang 1541 Latin Pentateuch at 1545 Latin Bible na inilimbag ng taga-Paris na si Robert Estienne, at ang Bibliya sa wikang French na inilimbag noong 1557 ng taga-Lyon na si Jean de Tournes.

Ang 1541 Latin Pentateuch (sa kaliwa) at ang 1545 Latin Bible na inilimbag ni Robert Estienne (sa gitna); ang Bibliya sa wikang French na inilimbag noong 1557 ni Jean de Tournes (sa kanan). Itinuturo ng mga arrow sa mga pahina ang pangalan ng Diyos na Jehova

Ang Olivétan, ang Latin Pentateuch at Latin Bible na inilimbag ni Estienne, at ang Bibliya ni Jean de Tournes ay gumagamit ng banal na pangalang Jehova. Ang mga Bibliyang ito ay unang ibinigay sa Museum Department sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York. Magandang karagdagan ang mga ito sa koleksiyon ng Bibliya sa tanggapang pansangay sa France.

Si Enrique Ford, miyembro ng Museum Department, ay nagsabi: “Ikinukuwento ng bagong Bible museum na ito sa sangay sa France ang magandang kasaysayan ng Bibliya sa wikang French. Itinatampok din nito na nasa Bibliya ang pangalan ng Diyos na Jehova. Patuloy kaming naghahanap ng mga Bibliya na puwede naming isama sa aming mga museum sa buong mundo.”