MAYO 30, 2023
FRANCE
Limampung Taon Na ang France Bethel sa Normandy
Noong Enero 2023 ang ika-50 taon mula nang magkaroon ng tanggapang pansangay sa Normandy, France. Nangyari ang pag-aalay sa sangay na ito makalipas ang anim na buwan, noong Hunyo 9, 1973.
Bago simulan ang pagtatayo sa mga pasilidad natin sa Normandy, inoorganisa ang lahat ng gawain natin sa Boulogne-Billancourt, malapit sa Paris. Pero naging maliit na ang mga pasilidad na iyon dahil sa patuloy na pagdami ng mga mamamahayag sa France. Isa pa, iniimprenta at ipinadadala ang mga literatura natin mula sa United States sa daungan sa Le Havre, na mga 200 kilometro mula sa sangay. Para mabawasan ang panahon sa pagbibiyahe at mga gastusin, naghanap ang mga brother ng property sa pagitan ng dalawang lunsod na ito na puwedeng pagtayuan ng karagdagang mga pasilidad ng Bethel.
Nakahanap ang mga kapatid ng isang magandang property sa Louviers, isang maliit na bayan sa Normandy. Mga 100 kilometro ito mula sa Paris at Le Havre. Nagsimula ang construction noong 1972 at tumagal nang walong buwan.
Patuloy na dumami ang bilang ng mga kapatid sa sumunod na mga taon. Dahil dito, kinailangang palakihin ang mga pasilidad sa Normandy. Nang mabili ang isang kalapit na property, nagtayo ng karagdagang mga residence building. At noong 1996, lumipat sa Normandy ang lahat ng miyembro ng pamilyang Bethel na nasa Boulogne-Billancourt.
Ngayon, may mahigit 162,000 kapatid na nangangaral ng mabuting balita sa 13 bansa sa teritoryo ng sangay sa France. At dahil huminto na ang pag-iimprenta sa Normandy noong 1998, ni-renovate ang mga pasilidad para suportahan ang iba pang aspekto ng gawaing pangangaral at pagtuturo tungkol sa Kaharian. Kasama rito ang gawaing pagsasalin sa 24 na wika. Pinangangasiwaan din ng sangay ang paggawa ng iba’t ibang video. Sa ngayon, mahigit 400 kapatid ang naglilingkod sa sangay.
Masaya tayong makita na pinapabilis ni Jehova ang gawaing pangangaral sa France!—Isaias 60:22.