AGOSTO 18, 2023
FRANCE
Public Witnessing sa International Tall Ship Festival sa Rouen, France
Kada apat na taon, may espesyal na pagtitipon sa Rouen, France, para sa naglalakihang barkong panlayag mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ginanap ito ngayong taon mula Hunyo 8 hanggang 18 at dinaluhan ng mga anim na milyong bisita mula sa iba’t ibang bansa. Araw-araw, naglalagay ng mga literature cart ang mga Saksi ni Jehova sa 12 lokasyon sa lunsod. Mahigit 600 kapatid ang nakibahagi, at daan-daan ang nakausap nila.
Lumapit ang isang retiradong photographer sa isa sa literature cart natin at kinausap ang mga Saksi at sinabing hanga siya sa kabaitan at pagiging palakaibigan nila tuwing nakikita niya sila. Tumagal ang pag-uusap nila tungkol sa kawalan ng pag-ibig ng maraming tao sa ngayon. Pagkatapos basahin at pag-usapan ang 2 Timoteo 3:1-5, tinanggap niya ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Ibinigay niya ang kaniyang contact information at sinabing umaasa siyang makausap muli ang mga Saksi.
Minsan naman, isang kabataang babae ang lumapit sa literature cart at nagtanong: “Kung namatay si Jesus at binuhay-muli, bakit hindi pa binubuhay-muli ang mga mahal natin sa buhay? Namatay ang lolo’t lola ko, at gusto kong makita silang muli.” Ipinapanood ng ating sister ang video na Mensahe Para sa mga Namatayan. Pagkatapos nilang mag-usap, tinanggap niya ang brosyur at ang alok na pag-aaral sa Bibliya.
Masaya tayo na ginagamit ng ating mga kapatid sa France ang kanilang panahon at lakas ‘para ibahagi sa iba ang mabuting balita.’—1 Corinto 9:23.