Pumunta sa nilalaman

Bagong larawan ng ilan sa mga biktima sa kaso ng Gabunia

OKTUBRE 24, 2017
GEORGIA

Tinanggap ng European Court of Human Rights ang Pag-amin ng Georgia sa Pagkakasala

Tinanggap ng European Court of Human Rights ang Pag-amin ng Georgia sa Pagkakasala

Noong Oktubre 12, 2017, ang European Court of Human Rights (ECHR) ay naglabas ng desisyon na tumatanggap sa pag-amin ng Republic of Georgia na nilabag nito ang karapatan ng 10 Saksi ni Jehova. Sa kaso na Gabunia and others v. Georgia, sumang-ayon ang gobyerno na magbayad nang EUR 800 (USD 947) sa bawat biktima bilang bayad-pinsala para sa paglabag sa kanilang karapatan sa kalayaan sa relihiyon at kalayaan mula sa diskriminasyon na protektado ng Article 9 at 14 ng European Convention on Human Rights (Convention).

Noong Setyembre 2005, ang 10 Saksi ay nagsumite ng aplikasyon sa ECHR tungkol sa apat na pagsalakay ng mga ekstremistang Ortodokso. Ang apat na insidente ay bahagi ng kampanya ng relihiyosong pag-uusig na itinaguyod ng Estado laban sa mga Saksi ni Jehova sa Georgia mula Oktubre 1999 hanggang Nobyembre 2003. Sangkot ang mga opisyal ng pulis sa mga pagsalakay dahil sa pakikibahagi nila sa karahasan o sa hindi nila pagprotekta sa mga biktima.

Bago ang kaso ng Gabunia, ang ECHR ay naglabas ng tatlong masasakit na hatol laban sa Georgia. Sa mga hatol na ito, kinondena ng ECHR ang gobyerno dahil sa hindi pagprotekta sa karapatan ng mga Saksi mula sa karahasang dinanas nila sa loob ng panahong iyon. Sinabi ng ECHR na ang hindi pagkilos ng mga opisyal ng pulis ay “magdudulot ng pag-aalinlangan sa mga tao na kasangkot ang mga kinatawan ng Estado sa krimen.” Naghinuha pa ito na “ang mga awtoridad sa Georgia ay gumagawa ng sitwasyong ligtas sila sa anumang parusa, na siya namang nag-udyok sa iba pang pagsalakay laban sa mga Saksi ni Jehova sa buong bansa.” Natuklasan din ng ECHR na may “pagsasabuwatan ang hudikatura sa mga nagsagawa ng karahasan laban sa mga aplikante” at na may “kinakampihan at mababaw” ang pagsusuring ginawa ng mga korte sa Georgia sa mga reklamo ng mga biktima.

Sa pamamagitan ng pagpa-file ng pang-isahang panig na deklarasyong “ikinalulungkot na kinikilala” na nilabag nito ang karapatan sa Convention ng mga biktima, naiwasan ng Georgia ang ikaapat na hatol na tiyak na uulit sa mga kahatulan ng naunang tatlong hatol. Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova sa Georgia ay hindi na biktima ng pagsalakay ng mga mang-uumog at relihiyosong pag-uusig na itinataguyod ng Estado. Mayroon na silang kalayaan sa relihiyon.