Pumunta sa nilalaman

Tatlong Saksing taga-Georgia na nakatradisyonal na damit, kasama ang dalawang delegado.

NOBYEMBRE 22, 2018
GEORGIA

Kauna-unahang Espesyal na Kombensiyon sa Tbilisi, Georgia

Kauna-unahang Espesyal na Kombensiyon sa Tbilisi, Georgia

Masayang tinanggap ng mga kapatid sa Georgia ang mga delegado mula sa 18 bansa sa “Magpakalakas-Loob”! na Espesyal na Kombensiyon sa kabisera ng Georgia, ang Tbilisi, noong Hulyo 20-22, 2018. Ito ang unang beses na nagkaroon ng ganitong okasyon sa Georgia. Punong-puno ito ng espirituwal na pagkain, damang-dama ang pagkamapagpatuloy, at naitampok ang natatangi at makukulay na kultura at kasaysayan ng kabisera.

Ang kombensiyon ay ginanap sa Olympic Palace, isang istadyum sa Tbilisi, at ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 7,002. Naka-stream ang programa sa 80 iba pang lokasyon sa bansa, at umabot sa mahigit 21,500 ang dumalo. Tampok sa kombensiyon ang bautismo ng 208 kapatid.

Bukod sa espirituwal na programa, nakita rin ng mga delegado ang kultura ng Georgia. Ang mga Saksing tagaroon ay naghandog ng katutubong sayaw at musika at naghanda ng mga pagkaing karaniwan sa lugar na iyon. Nagsaayos din sila ng tour sa sinaunang lunsod ng Tbilisi.

Sinabi ni Tamaz Khutsishvili, kinatawan ng tanggapang pansangay sa Georgia: “Hindi lubusang malaya ang gawain ng mga Saksi sa bansang ito. Pero sa pagkakataong ito, pinahintulutan kami ng mga awtoridad na idaos ang ganitong okasyon. Hindi namin malilimutan ang karanasan na i-welcome ang napakaraming kapatid.”—Roma 15:7.

 

Ang peak ng dumalo sa espesyal na kombensiyon sa Olympic Palace noong Hulyo 20-22, 2018, ay 7,002. Mayroon pang 14,912 nakinabang sa programa, na naka-stream nang live sa iba’t ibang lokasyon sa bansa.

Si Brother Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng huling pahayag sa bawat araw.

Tampok sa espesyal na kombensiyon ang bautismo ng 208 kapatid. Ang baptismal pool na ito ay inilagay malapit sa natural na batong pader na bahagi ng interyor ng Olympic Palace.

Naka-stream ang live video sa mga 80 lokasyon.

Tinanggap ng mga sister na taga-Georgia ang mga delegado. Isa sa kanila ang nakasumbrerong yari sa balahibo ng tupa na karaniwang isinusuot sa mga bulubunduking lugar sa Georgia.

Isang napakagandang programa ang isinaayos noong Hulyo 17 at 18 sa Château Mukhrani, sa nayon ng Mukhrani, malapit sa Tbilisi. Itinampok sa programa ang mga tradisyonal na musika at sayaw at dalawang video tungkol sa teokratikong kasaysayan ng Georgia.

Sinayaw ng mga Saksing tagaroon ang Adjaruli (isinunod sa pangalang Adjara, isang lugar sa timog-kanlurang sulok ng bansa, malapit sa Black Sea). Lalong pinaganda ng matitingkad na costume ang sayaw na ito.

Kumanta ang mga brother na tagaroon ng tradisyonal na awit sa istilo ng sinaunang Georgian polyphonic.