ABRIL 15, 2015
GEORGIA
Mga Saksi ni Jehova Naglunsad ng Informational Campaign
Noong Abril 1, 2015, ang mga Saksi ni Jehova ay naglunsad ng isang informational campaign para sa lahat ng kapulisan, munisipalidad, at mga opisina ng prosecutor sa buong Republic of Georgia. Ang layunin ng kampanyang ito ay para ipagbigay-alam ang mahalagang desisyon kamakailan ng European Court of Human Rights (ECHR) sa kasong Begheluri and Others v. Georgia, na may kinalaman sa paglabag sa karapatan ng mga Saksi ni Jehova sa Georgia. Ang kampanyang ito ay nagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad tungkol sa kasong ito, sa naging hatol, at sa relihiyosong gawain ng mga Saksi ni Jehova.
Pangungunsinti sa Karahasan sa Georgia
Mula noong 1999 hanggang 2003, ang mga tagasunod ng isang pinatalsik na paring Georgian Orthodox ay nag-organisa ng mga pag-atake para bugbugin ang mga Saksi ni Jehova. Bagaman ang mga Saksi ay nagsampa ng 784 na reklamo sa pulis dahil dito at sa iba pang katulad na insidente, nagbulag-bulagan lang ang mga opisyal sa nangyayaring karahasan at paminsan-minsan, sila pa mismo ang umaatake sa mga Saksi. Wala ni isa mang reklamo ng mga Saksi ang inaksiyunan. At dahil hindi kumilos ang mga awtoridad sa Georgia, lalong lumakas ang loob ng mga salarin, kung kaya sinasalakay nila ang mga Saksi kahit sa mga hukuman, malalaking relihiyosong pagtitipon, at sa lansangan.
Mahahalagang Pagbabago Dahil sa Desisyon ng ECHR
Ang mga Saksi ni Jehova sa Georgia ay nagsumite ng dalawang aplikasyon sa ECHR para itawag-pansin ang mga pag-atakeng iyon. Nagdesisyon ang ECHR sa unang kaso noong Mayo 2007, * at sa ikalawang kaso—Begheluri and Others v. Georgia—noong Oktubre 2014. Sa dalawang desisyon ng ECHR, kinondena nito ang pagkakasangkot ng Georgia sa mga pag-atake, at pinatunayan na may malinaw na kaugnayan ang di-pagkilos ng pamahalaan ng Georgia at ang paglala ng karahasan. Gaya ng sinabi ng ECHR sa desisyon nito sa kasong Begheluri, “itinataguyod ng mga awtoridad ng Georgia ang kawalang-aksiyon laban sa mga may-sala, na nagpapalakas ng loob ng iba na atakihin ang mga Saksi ni Jehova sa buong bansa.” *
Isang araw pagkababa ng desisyon sa kasong Begheluri, naglabas ang gobyerno ng Georgia ng isang pahayag na nangangakong hahadlangan nito ang mga pang-aabuso sa hinaharap:
“Determinado ang Georgia na protektahan ang kalayaan ng pag-iisip, budhi at relihiyon, pati na ang karapatang pantao sa kabuuan. Titiyakin ng bansa na ang lahat ay pantay-pantay sa batas at mananagot sa mga pag-abuso sa karapatang pantao. Higit sa lahat, hindi na nito pahihintulutan ang kawalang-aksiyon sa mga may-sala o ang pagkunsinti sa gayong mga pang-aabuso.”
Bumubuting Kalagayan sa Georgia
Sa ngayon, ibang-iba na ang kalagayan ng mga Saksi ni Jehova sa Georgia. Payapa na silang nakapagdaraos ng mga pagtitipon para sa pagsamba at nagpapasalamat sila na sa pangkalahatan, pinoprotektahan na ng mga awtoridad ang kanilang karapatan. Nakapagtatayo na rin ang mga Saksi ni Jehova ng mga lugar ng pagsamba, at kamakailan, pinalakihan nila ang kanilang tanggapan doon.
Pero may ilang opisyal na baka walang alam tungkol sa mga Saksi ni Jehova o sa kanilang paniniwala at sa kasong Begheluri o sa opisyal na pahayag ng gobyerno. Bukod diyan, tuloy pa rin ang mga pag-atakeng udyok ng relihiyon at hindi naparurusahan ang mga ito—halimbawa, noong 2014, naiulat ng mga Saksi ang di-bababa sa 30 insidente ng pambubugbog sa kanila. Nagsumite ang mga Saksi ni Jehova ng karagdagang aplikasyon sa ECHR para itawag-pansin ang mga ito. *
Inaasahan na ang informational campaign para sa mga opisyal noong Abril ay aakay sa higit pang paggalang sa karapatang pantao sa buong Georgia. Nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova sa pangako ng gobyerno ng Georgia na hindi nito hahayaang umiral uli ang kawalang-aksiyon, at umaasa sila na patuloy na parurusahan ng gobyerno ang mga nagkakasala ng krimeng bunsod ng diskriminasyon dahil sa relihiyon.
^ par. 6 Members of the Gldani Congregation of Jehovah’s Witnesses and Others v. Georgia, no. 71156/01, 3 Mayo 2007.
^ par. 6 Begheluri and Others v. Georgia, no. 28490/02, § 145, 7 Oktubre 2014.
^ par. 11 Tsartsidze v. Georgia, no. 18766/04, isinumite noong 26 Mayo 2004 — Mga indibiduwal na biktima ng mga opisyal ng estado o sinalakay habang naroroon ang mga opisyal; Biblaia and Others v. Georgia, no. 37276/05, isinumite noong 10 Setyembre 2005 — Mga indibiduwal na biktima ng mga opisyal ng estado o sinalakay habang naroroon ang mga opisyal; Tsulukidze and Others v. Georgia, no. 14797/11, isinumite noong 27 Enero 2011 — Di-sapat na pag-iimbestiga at di-paglilitis sa siyam na pagsalakay dahil sa relihiyon.