Pumunta sa nilalaman

GEORGIA

Maikling Impormasyon—Georgia

Maikling Impormasyon—Georgia

Aktibo na sa Georgia ang mga Saksi ni Jehova mula pa noong 1953. Legal silang nakarehistro, at sa pangkalahatan ay malaya sa kanilang pagsamba. Pero bumabangon ang problema kapag nagkakaroon paminsan-minsan ng paghihigpit sa relihiyon.

Mula 1999 hanggang 2003, dumanas ng malupit at matinding karahasan ang mga Saksi ni Jehova sa kamay ng mga relihiyosong ekstremista. Lumakas ang loob ng mga salarin dahil hindi kumilos ang mga awtoridad para parusahan sila. Nang panahon ding iyon, isang panatikong nasyonalista na miyembro ng parlamento ang pansamantalang nagtagumpay na kanselahin ang legal na rehistro ng mga Saksi, at nakaragdag ito sa pagdami ng insidente ng karahasan. Anim na petisyon ang isinampa ng mga Saksi sa European Court of Human Rights (ECHR) para maresolba ang problema. Nagkaisa ang ECHR sa dalawang desisyong ibinaba nito noong 2007 at 2014, na kumokondena sa gobyerno sa kawalan ng agaran, epektibo, at patas na aksiyon para sa mga biktima ng mga krimeng bunsod ng relihiyon. Noong 2015, nagkaisang tinanggap ng ECHR ang pag-amin ng gobyerno na ang pagkansela nito sa rehistro ng legal na korporasyon ng mga Saksi noong 2001 ay hindi makatarungan.

Mula noong 2004, malaki ang ibinaba ng insidente ng karahasan laban sa mga Saksi ni Jehova. Napalawak na ng kanilang gawain at nakapagtayo na sila ng maraming Kingdom Hall. Gayunman, may mga pagkakataon pa rin na nagiging biktima sila ng pagsalakay at pangha-harass. Lumalala ang problema dahil kadalasan nang hindi umaaksiyon ang mga awtoridad laban sa mga krimeng ito. Umaasa ang mga Saksi na ang gobyerno ng Georgia ay kikilos kasuwato ng desisyon ng ECHR, na iimbestigahan nito agad ang mga insidente ng karahasan, at na parurusahan nito ang mga salarin.