Pumunta sa nilalaman

Kaliwa: Si Brother Wolfram Slupina habang ipinapakita ang isang jacket na suot ng isang Saksi ni Jehova sa isang concentration camp. Kanan: Ang plake sa Flossenbürg

MAYO 17, 2023
GERMANY

Gumawa ng Plake ang Flossenbürg Concentration Camp Bilang Parangal sa mga Saksi ni Jehova

Gumawa ng Plake ang Flossenbürg Concentration Camp Bilang Parangal sa mga Saksi ni Jehova

Noong Abril 22, 2023, isang plake ang itinanghal sa Flossenbürg Concentration Camp Memorial sa Bavaria, Germany, para alalahanin ang mga Saksi ni Jehova na namatay habang nakabilanggo doon. Ang Flossenbürg ang ikasiyam na concentration camp na kumikilala sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng plake.

Mahigit 100 Saksi ni Jehova ang nakulong sa Flossenbürg at sa nakapaligid na mga kampo nito. Dumalo ang ilan sa mga kapamilya nila sa seremonya. Sinabi ng isang brother na dumalo: “Ang lungkot isipin na maraming masasamang bagay na nangyari sa lugar na iyon. Pero naging masaya at marangal ang okasyon dahil inalala doon ang paninindigan ng mga kapatid natin.”

Sinabi ni Professor Jörg Skriebeleit, direktor ng Flossenbürg Concentration Camp Memorial, na “ang mga Saksi ni Jehova ang unang relihiyon na ipinagbawal nang masakop [ng Nazi] ang bansa noong Marso 1933.” Sa maikli niyang speech, sinabi niya na “pinalakas ng pananampalataya sa Diyos [ang mga Saksi] habang nasa concentration camp . . . hindi lang para mabuhay, kundi para palakasin din ang iba na hindi nila kapananampalataya.”

Nakikinig nang mabuti ang mga dumalo sa seremonya ng pagtatanghal ng plake sa Bavaria, Germany. Nakasingit na larawan: Si Sister Judith Ribic, na ang ama ay nabilanggo sa Flossenbürg camp, at si Professor Skriebeleit at ang plake

Sa speech ni Brother Wolfram Slupina, isang tagapagsalita para sa mga Saksi ni Jehova, sinabi niya: “Mahalaga sa ating lahat ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa mga concentration camp. Nanindigan sila sa pananampalataya nila sa kakila-kilabot na panahong iyon sa kasaysayan ng Germany.”

Nagtitiwala tayo na nasa “aklat ng alaala” ng Diyos ang tapat nating mga kapatid na pinag-usig at namatay pa nga sa mga concentration camp.​—Malakias 3:16.