ABRIL 18, 2024
GERMANY
Hermine Schmidt, Huling Saksing Nakaligtas sa Nazi Concentration Camp, Namatay sa Edad na 98
Noong Marso 31, 2024, namatay si Sister Hermine Schmidt sa edad na 98. Siya ang huling Saksi na alam nating nagdusa sa isang Nazi concentration camp dahil sa kaniyang pananampalataya.
Ipinanganak si Hermine noong Nobyembre 13, 1925, sa lunsod ng Gdańsk, na bahagi na ngayon ng Poland. Saksi ni Jehova ang mga magulang niyang sina Oskar at Frieda Koschmieder. Tinulungan nila siya na magkaroon ng matibay na pananampalataya at tiwala kay Jehova. Noong 1939, sinakop ng mga Nazi ang Gdańsk at nagsimula ang matinding pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova. Nang panahong iyon, inialay ni Hermine ang buhay niya kay Jehova at nabautismuhan siya noong Mayo 2, 1942, sa edad na 16.
Nang sumunod na taon, noong Hunyo 1943, inaresto at ikinulong ng mga Nazi ang 17-anyos na si Hermine. Muli siyang naaresto noong Abril 1944, at ipinadala siya sa Stutthof concentration camp. Ganito ang sinabi ni Hermine tungkol sa napakasaklap na karanasang iyon: “Hindi ko kayang ipaliwanag ang nangyari. Ipinahiya kami at sinaktan nang husto. Ginawa ng Gestapo ang lahat para sirain ang pananampalataya ko. Hindi ako bayani. Isa lang akong batang babae. Pero alam na alam ko kung ano ang kailangan kong gawin. Nakasalalay dito ang katapatan ko at paninindigan kong sundin ang konsensiya ko. Kapag sinusunod mo ang konsensiya mo, nagiging payapa ka—payapa ang isip mo at payapa ang kaugnayan mo sa Diyos.”
Makalipas ang isang taon, noong Abril 1945, umabante na ang hukbo ng Russia sa Stutthof camp. Sapilitang pinasakay ng mga German SS guard sa mga bangka ang marami sa mga bilanggo, at iniwan sila sa dagat para hindi sila mapalaya ng hukbo ng Russia. Nailigtas si Hermine at ang 370 iba pa sa bangka nang hilahin ito sa isla ng Møn sa Denmark noong Mayo 1945. Di-nagtagal, muling nakasama ni Hermine ang mga magulang niya.
Noong 1947, napangasawa ni Hermine si Horst Schmidt. Tumangging magsundalo si Horst, at tagapaghatid din siya ng mga literatura sa Bibliya noong ipinagbabawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nilitis siya, sinentensiyahan ng kamatayan, at ibinilanggo sa Brandenburg-Görden penitentiary. Pero noong Abril 27, 1945, napalaya ang mga bilanggo doon bago siya bitayin. Umabot nang halos 63 taon ang pagsasama nina Horst at Hermine hanggang sa mamatay si Horst noong 2010.
Sa loob ng maraming taon, naibahagi ng mga Schmidt ang karanasan nila. Sa isang interbyu noong 1998, ikinuwento ni Hermine ang buhay niya bilang isang tapat na lingkod ng Diyos: “Hindi naging madali ang buhay ko, pero napakaganda nito. Hindi ko ito ipagpapalit sa anumang bagay.”
Nagpapasalamat tayo sa halimbawa ng katapatan ni Hermine sa ilalim ng pagsubok. Matularan sana natin ang determinasyon niyang manatiling matatag at tapat, dahil nagtitiwala tayong laging poprotektahan ni Jehova ang mga tapat na lingkod niya.—Awit 31:23, 24.