ABRIL 10, 2023
GERMANY
Libo-libo ang Dumalo sa Memorial Service Para sa mga Biktima ng Pamamaril sa Hamburg
Talagang ikinalungkot ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nangyaring pamamaril sa isang Kingdom Hall sa Hamburg, Germany, noong Marso 9, 2023. Nagpunta sa Hamburg si Brother Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova; si Brother Gajus Glockentin, katulong ng Publishing Committee; at mga miyembro ng Komite ng Sangay sa Central Europe para damayan at patibayin ang mga kapatid natin. Noong Marso 25, nagkaroon ng memorial service para sa mga biktima sa isang sports arena sa Hamburg. Damang-dama ng mga nakapakinig ng programa kung paano pinapatibay at inaalalayan ng Bibliya ang mga namamatayan. Nadama ng marami ang sinabi ng isang brother na nakaligtas sa pamamaril: “Talagang niyakap kami ni Jehova ngayon.”
Mahigit 3,300 ang dumalo nang in person. Mahigit 90,000 naman ang nanood sa live stream.
Bukod sa mga kapatid natin, may dumalo ring mga opisyal ng gobyerno at kinatawan ng emergency services. Kasama rito ang First at Second Mayor ng Hamburg, ang President ng Hamburg City Parliament, ang US Consul General ng Hamburg, ang Senator of Interior and Sports, ang Head of the Senate Chancellery, ang Hamburg Chief of Police, at ang Vice President of Police.
Nag-umpisa ang memorial service sa isang Kingdom song na tinugtog ng mga kapatid gamit ang iba’t ibang stringed instrument. Si Brother Joachim Szewczyk, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central Europe, ang nag-chairman. Ipinakilala niya si Brother Dirk Ciupek, ang nagbigay ng memorial talk at isa ring miyembro ng Komite ng Sangay sa Central Europe. Pagkatapos, ipinakilala ni Brother Ciupek si Brother Sanderson, na nagbigay ng maikling Bible discourse. Bumalik ulit si Brother Ciupek sa stage para tapusin ang memorial talk. Nagtapos ang memorial service sa isang napakagandang panalangin ni Brother Glockentin at isang Kingdom song.
Sa pahayag ni Brother Sanderson, ipinaliwanag niya na hindi kagagawan o kalooban ng Diyos ang mga trahedya. Ang mga ito ay “di-inaasahang pangyayari,” gaya ng sinasabi ng aklat ng Eclesiastes. (Eclesiastes 9:11) Sinabi ni Brother Sanderson: “Hindi natin dapat isiping may layunin ang mga nangyayaring karahasan o trahedya . . . Malalampasan natin ang trahedya dahil sa pag-asa, pananampalataya, at pag-ibig natin. Makakayanan ng mga ito ang galit at karahasan.” Pinasalamatan din niya ang mga pulis, emergency services personnel, at mga medical professional na tumulong sa mga kapatid natin.
Sa memorial discourse ni Brother Ciupek, sinabi niya: “Ang pag-atake noong Marso 9 ay hindi lang basta pag-atake sa ilang indibidwal. Pag-atake iyon sa ating lahat. Narito tayo ngayon para ipakita ang sagot sa galit at karahasan. Gusto nating ipakita ang pag-ibig, awa, at malasakit, pati na ang pag-asa at pananampalataya natin. ‘Huwag kang padaig sa masama,’ ang sabi ng Banal na Kasulatan, ‘kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.’ Ito ang determinasyon natin. Iyan ang dahilan kung bakit narito tayo ngayon.”—Roma 12:21.
Naging emosyonal din ang mga tagapakinig nang isa-isahin ni Brother Ciupek ang pangalan ng mga biktima. Sinabi niya: “Narito rin tayo para magpaalam at alalahanin sina Stephan, Sebastian, James at Marie, Stephanie, Dan, at si baby Romy (ang hindi pa naisisilang na sanggol na namatay dahil sa pag-atake).” Sinabi rin niya sa mga kaibigan at kapamilya ng mga namatay: “Gusto rin namin kayong alalayan at damayan.”
Sa pagtatapos ng pahayag ni Brother Ciupek, binanggit niya ang ilang katangian ng bawat biktima na mami-miss ng mga nakaligtas sa pamamaril. Pagkatapos niyang banggitin ang Apocalipsis 21:4, 5, sinabi niya: “Oo, mami-miss natin ang mga namatay nating mahal sa buhay. Nagdadalamhati tayo. Lagi natin silang maaalala. Pero darating ang panahon na tuluyan nang aalisin ng Diyos ang kalungkutang nararamdaman natin ngayon, dahil tatapusin niya ito. . . . Mawawala na ang kamatayan. Iyan mismo ang itinuro ni Jesus at ng mga apostol niya. Iyan mismo ang inaasahan natin. Madaraig natin ang kamatayan. Hindi kamatayan ang katapusan ng lahat. Kayang baligtarin ng Diyos ang kamatayan. . . . Hindi kamatayan ang katapusan nina Stephan, Sebastian, James at Marie, Stephanie, Dan, at baby Romy.”
Pagkatapos ng memorial service, nagsalita ang ilang opisyal ng gobyerno. Nagpahayag ng kani-kaniyang pakikiramay sa mga kaibigan at kapamilya ng mga biktima ang First Mayor ng Hamburg, si Dr. Peter Tschentscher, at ang President ng Hamburg City Parliament, si Mrs. Carola Veit. Sinabi ni Dr. Tschentscher tungkol sa mga nakaligtas na “nakakayanan nila ang kalungkutan at pinsala nang may katatagan” dahil sa “matibay na pananampalatayang Kristiyano nila.” Binasa rin niya ang sulat ng Federal President ng Germany na si Mr. Frank-Walter Steinmeier.
Marami ding miyembro ng media ang dumalo at nag-report tungkol sa memorial service. Sinabi ng isang miyembro ng television crew: “Kahanga-hanga talaga ang kabaitan ng lahat ng nandito.” Sinabi pa niya: “Marami na kaming nadaluhang event, pero ngayon lang kami nakaranas ng ganito at nakarinig ng gano’ng pahayag.”
Sinabi ng mag-asawang nakaligtas sa pamamaril: “Napakasarap isipin ng pag-asa natin habang inaalalayan tayo ng napakaraming kapatid sa panahon ng pagdadalamhati.”
Isang brother mula sa isang kongregasyon sa Kingdom Hall kung saan nangyari ang pamamaril ang nagsabi: “Parang hindi matapos-tapos ang pagdadalamhati namin. Pumunta ako rito na parang pagod na pagod dahil sa pagdadalamhati. Pero punô ng dignidad ang event na ito . . . Ramdam na ramdam namin ang malasakit sa mga sinasabi ng mga kapatid at ng publiko.”
Malinaw na makikita sa memorial service kung gaano tayo kamahal ni Jehova. Alam natin na ang lahat ng naapektuhan ng pamamaril sa Hamburg ay patuloy na aalalayan ng ‘Ama na magiliw at maawain at Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon.’—2 Corinto 1:3.
View ng stage habang nakatayo ang chairman, si Brother Joachim Szewczyk, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central Europe. Nakaupo sa likod niya ang mga Saksi ni Jehova na mga professional musician
Si Brother Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, na nagbibigay ng pahayag mula sa Bibliya. Ininterpret ito sa German
Mga opisyal ng gobyerno na nakaupo sa unahan habang nakikinig sa mga nagsasalita
Mga kapatid na nagpapatibayan pagkatapos ng programa
Mga card at sulat ng pakikiramay na naka-display sa lobby ng arena
Sa lobby ng arena, ini-interview ng isang German television media outlet ang isang elder mula sa Hamburg na kakilala ng ilang biktima