Pumunta sa nilalaman

DISYEMBRE 23, 2021
GERMANY

Mga Aklat ng Mateo at Juan, Ini-release sa German Sign Language

Mga Aklat ng Mateo at Juan, Ini-release sa German Sign Language

Noong Disyembre 18, 2021, ini-release ni Brother Dirk Grundmann, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central Europe, ang unang mga bahagi ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa German Sign Language. Tinatayang 800 ang nakapanood via streaming nang i-release ang mga aklat ng Bibliya na Mateo at Juan.

Kinilala ng gobyerno ng Germany ang German Sign Language bilang isang wika mula lang noong 2002. Pero ini-interpret na ng mga Saksi ni Jehova sa sign language ang mga programa sa asamblea at kombensiyon sa Germany mula pa noong mga taon ng 1960’s. Ngayon, 571 Saksi ni Jehova ang naglilingkod sa 11 kongregasyon at 21 grupo ng German Sign Language.

Isang brother na nag-i-interpret ng programa sa sign language sa isang kombensiyon sa Munich, Germany, noong 1973

Ito ang unang pagkakataon na naisalin sa German Sign Language ang kumpletong mga aklat ng Bibliya. Dati, mga teksto lang ng Bibliya ang nagagamit nila para sa personal na pag-aaral at sa ministeryo.

“Dahil mga teksto lang at walang kumpletong Bibliya, mahirap hanapin ang isang prinsipyo sa Bibliya para patunayan ang ating paniniwala,” sabi ng isang Saksi. “Mahirap ding hikayatin ang tinuturuan sa Bibliya na pag-aralan ang Bibliya araw-araw dahil paisa-isang teksto lang ang mapapanood nila.”

Inirerekord ng German Sign Language translation team ang isang video sa kanilang studio

Sinabi ng isang translator: “Talagang nakakatuwang isalin ang salita ni Jehova para magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova ang mga bingi. Isang pribilehiyo para sa amin na gawin ang proyektong ito.”

Dalangin namin na matulungan ng German Sign Language na Bagong Sanlibutang Salin ang marami pang maaamo na malaman ang daan ni Jehova.​—Awit 25:9.