Pumunta sa nilalaman

Ibinibigay ni Consul General Thomas Pröpstl kay Sister Simone Arnold-Liebster ang Order of Merit ng Germany

ENERO 24, 2024
GERMANY

Tumanggap si Simone Arnold-Liebster ng Pinakamataas na Parangal sa Germany sa Pagsisikap Niyang Turuan ang mga Kabataan

Tumanggap si Simone Arnold-Liebster ng Pinakamataas na Parangal sa Germany sa Pagsisikap Niyang Turuan ang mga Kabataan

Noong Disyembre 15, 2023, tumanggap si Sister Simone Arnold-Liebster ng Order of Merit of the Federal Republic of Germany. Ang Order of Merit ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng Germany sa mga indibidwal sa kontribusyon nila sa lipunan. Ibinigay ito kay Simone ni Consul General Thomas Pröpstl sa isang seremonya sa Chambéry, France. Si Simone, na 93 taóng gulang na ngayon, ay kinilala dahil sa pagsisikap niya na ipaalala sa mga tao ang mga kalupitang ginawa ng gobyerno ng Nazi, pati na ang hindi pagsuporta ng ilang tao sa gobyernong ito na nagtaguyod ng poot at karahasan.

Nakapagsalita na si Simone sa 25 bansa, at halos 65,000 na ang nakadalo sa mga miting niya, kasama na ang maraming estudyante at guro. Kahit na matanda na siya, tuloy-tuloy pa rin ang ganitong mga miting niya sa pamamagitan ng videoconference, kung saan sinasagot niya ang mga tanong ng mga kabataan at sinasabi niya ang mga aral na natutuhan niya noong kabataan siya. Pagkatapos dumalo ng isang estudyante sa miting niya, isinulat nito: “Nakita ko sa kuwento ni Simone na puwede tayong maging malakas kung kumbinsido tayo sa mga pinaniniwalaan natin.”

Si Simone Arnold-Liebster na nagsasalita sa isang grupo ng mga estudyante sa Colorado, U.S.A., sa pamamagitan ng videoconference

Nang ibigay ni Consul General Thomas Pröpstl ang parangal kay Simone, sinabi niya: “Kahanga-hanga kung paano ka napalakas ng pagkukuwento mo sa iba ng mga pinagdaanan mo. Tapat ka sa pagkukuwento, pero makikita rin sa sinasabi mo na punong-puno ka ng pag-asa. Dahil diyan, nakuha mo ang paggalang ko.”

Sa ilalim ng rehimeng Nazi, dumanas ng matinding pag-uusig si Simone at ang pamilya niya, gaya ng libo-libong iba pang Saksi ni Jehova. Nang 12 anyos si Simone, kinuha siya sa kanila at sapilitang pinatira sa Konstanz, Germany, sa Von Wessenberg Reformatory, isang paaralan sa bilangguan kung saan sinikap ng mga Nazi na itanim sa isip niya ang mga ideolohiya nila. Pero dahil tumanggi siyang suportahan ang mga Nazi, ipinahiya nila siya, hindi binigyan ng sapat na pagkain, pinagtrabaho nang sapilitan, at pinagbawalang magsalita nang halos dalawang taon. Tungkol sa panahong iyon, sinabi ni Simone: “Tinulungan ako ni Jehova; nanatili akong tapat.”

Talagang pinahahalagahan natin ang rekord ng katapatan ni Simone at ang patuloy na pagbibigay niya ng kaluwalhatian sa ating Ama, ang Diyos na Jehova.​—Mateo 5:16.