Pumunta sa nilalaman

North Rhine-Westphalia State Chancellery

OKTUBRE 10, 2017
GERMANY

Germany—Ipinagkaloob ang Pinakamataas na Legal na Pagkilala sa mga Saksi ni Jehova

Germany—Ipinagkaloob ang Pinakamataas na Legal na Pagkilala sa mga Saksi ni Jehova

Pagkatapos ng mahigit 26 na taon ng paglilitis, nakuha ng mga Saksi ni Jehova sa Germany ang legal na pagkilala bilang isang relihiyon gaya ng ipinagkakaloob sa pangunahing mga relihiyon sa bansa. Noong Enero 27, 2017, ipinagkaloob ng North Rhine-Westphalia, ang huling estado sa 16 na estado ng Germany, ang public law status, o legal na pangmadlang pagkilala sa mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon. Ang desisyon ay mahalaga sa mga Saksi dahil kahit mahigit 100 taon na ang mga Saksi sa Germany, itinuturing pa ring independiyenteng relihiyosong asosasyon ang kanilang pambansang punong-tanggapan at ang libo-libong kongregasyon nila sa bansa. Ngayong ipinagkaloob na sa wakas sa mga Saksi ang legal na pangmadlang katayuan nito bilang isang relihiyon sa lahat ng estado sa Germany, kinikilala na silang isang relihiyosong organisasyon at nagtatamo ng mga pakinabang na nararapat sa kanila.

Ang Mahabang Pakikipagpunyagi Para Makamit ang Legal na Pangmadlang Katayuan Bilang Isang Relihiyon

Noong 1921, ang mga Saksi ni Jehova ay unang nairehistro sa Germany sa ilalim ng pribadong batas. Sa muling pagkakaisa ng Germany noong 1990, ang mga Saksi ay nag-aplay para sa legal na pangmadlang katayuan bilang isang relihiyon at para makakuha ng mga pakinabang na nararapat sa mga relihiyosong organisasyon.

Para mairehistro ang isang relihiyosong asosasyon sa buong bansa bilang isang korporasyon, hinihiling ng batas na kumuha muna ito ng legal na pangmadlang katayuan bilang isang relihiyon sa estado ng Germany na kinaroroonan nito. Pagkatapos ay puwede na itong mag-aplay para sa katayuang ito sa 15 pang estado sa Germany. Noong 1990, ang relihiyosong asosasyon na Jehovas Zeugen in Deutschland (mga Saksi ni Jehova sa Germany) ay unang nag-aplay sa estado ng Berlin, na legal na adres nito. Bagaman nakukuha ng karamihan sa relihiyosong organisasyon ang legal na pangmadlang katayuan sa loob ng maikling panahon, marahil sa loob ng isa o dalawang taon, hindi ito ipinagkaloob ng gobyerno ng Berlin sa mga Saksi ni Jehova sa loob ng maraming taon. Binanggit ng gobyerno na ang isang dahilan ay ang hindi pagboto ng mga Saksi sa pambansang eleksiyon. Pero hindi makatuwiran ang argumentong ito dahil hindi naman hinihiling ng batas ang sapilitang pagboto ng mga mamamayang Aleman; ang pagboto ay dapat na boluntaryo.

Ang usaping ito ay nakarating sa korte. Noong Marso 24, 2005, nagdesisyon ang Higher Administrative Court sa Berlin na dapat kilalanin ang mga Saksi ni Jehova sa Germany bilang isang “korporasyon.” Pagkatapos ng mahigit isang taon, naawa ang estado ng Berlin at ipinagkaloob ang legal na pangmadlang katayuan sa mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon, kaya natapos din ang 16-na-taóng legal na pakikipagpunyagi sa gobyerno ng Berlin.

Pagkatapos, ang mga Saksi ay nag-aplay sa natitirang 15 estado sa Germany. Noong 2009, 11 estado ang nagkaloob ng legal na pangmadlang katayuan; 3 pang estado ang nagkaloob nito nang sumunod na mga taon. Ang North Rhine-Westphalia ang huling estado na nagkaloob ng legal na pangmadlang katayuan sa mga Saksi ni Jehova noong Enero 27, 2017. Dahil sa matiyagang pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na makakuha ng legal na pagkilala bilang isang relihiyon na gaya ng ipinagkakaloob sa pangunahing mga relihiyon sa Germany, natapos din sa wakas ang paglilitis na tumagal nang 26 na taon.

Mga Pakinabang sa Pagkakaroon ng Legal na Pangmadlang Katayuan

Ang pambansang punong-tanggapan at ang mahigit 2,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Germany ay tumatakbo ngayon bilang isang korporasyon. Dati, ang bawat asosasyon na kumakatawan sa isang kongregasyon ay itinuturing na isang independiyenteng relihiyosong asosasyon, at dapat nitong sundin ang mga batas ng estado na magsumite ng taunang report at ng tax return. Ang mga pagbabago sa asosasyon dahil sa paghirang ng bagong mga elder, pagbili ng ari-arian, o pagbabago ng pangalan o pagsasama ng mga kongregasyon ay dapat ireport sa gobyerno. Noon, maraming pagsisikap at panahon ang kailangan ng mga elder sa pagrereport ng mga kahilingan, pero ngayon puwede na silang magpokus sa pagpapastol sa kongregasyon. Kung walang legal na pangmadlang katayuan, ang mga kongregasyon ay kailangang magbayad para sa pagproseso ng mga report. Ganito ang sinabi ng isang matagal nang elder sa isang kongregasyon: “Mas nagagamit namin ngayon ang mga pondong donasyon para suportahan ang pampublikong ministeryo ng kongregasyon.”

Kung wala ang legal na pangmadlang katayuan, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kikilalanin bilang isang pangunahing relihiyon, kahit na may mga 274,000 Saksi at mga kasama nila ang dumadalo sa kanilang mga pagpupulong sa Germany. Si Armin Pikl, isang abogado para sa pambansang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Germany, ay nagsabi: “Sa mahigit 26 na taon na pagsisikap na makakuha ng legal na dokumento bilang isang korporasyon, ang media ay naglathala ng daan-daang di-totoo at mapanirang-puring pananalita tungkol sa ating relihiyon, kung minsan halos linggo-linggo. Nabawasan na ito ngayon.” Si Werner Rudtke, isang matagal nang Saksi, ay nagsabi: “Yamang ang isang relihiyosong asosasyon na gustong maging korporasyon ay dapat na maging masunurin sa batas sa lahat ng bagay, maraming di-totoong alegasyon laban sa mga Saksi ang puwedeng pabulaanan.” Binanggit ng isa pang Saksi, si Petra, ang problema noon ng mga batang mag-aarál. Sinabi niya: “Ang pagkilalang ito ay malaking tulong sa mga batang mag-aarál. Nakararanas pa rin kasi ng diskriminasyon ang mga estudyanteng Saksi mula sa mga guro dahil sa di-totoong alegasyon na kabilang daw sila sa isang ‘sekta’ sa halip na sa isang relihiyon.”

Nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova sa Germany na kinilala ng gobyerno ang kanilang masikap na relihiyosong gawain kaya naging kuwalipikado sila para tumanggap ng legal na pangmadlang katayuan bilang isang relihiyon. Umaasa silang mababawasan ng gayong pagkilala ang mga naging problema nila noon at makikinabang sila bilang mga indibiduwal at bilang isang relihiyosong komunidad.