Pumunta sa nilalaman

HULYO 16, 2015
GERMANY

Mag-ama Pinarangalan ng mga Opisyal Dahil sa Pagsagip sa Tatlong Lalaki Mula sa Nasusunog na Sasakyan

Mag-ama Pinarangalan ng mga Opisyal Dahil sa Pagsagip sa Tatlong Lalaki Mula sa Nasusunog na Sasakyan

Sina Jorim, Christiane, at Andreas Bonk. Nasa ospital si Andreas noong okasyong iyon sanhi ng ibang insidente.

SELTERS, Germany—Si Andreas Bonk, isa sa mga Saksi ni Jehova, at ang kaniyang anak na si Jorim ay kasama sa mga tumanggap ng award noong Abril 16, 2015, dahil sa pagtulong nila sa pagliligtas sa buhay ng tatlong biktima sa isang nasusunog na sasakyan. Ginanap ang isang award ceremony na dinaluhan ng minister ng interior ng Federal State of Baden-Württemberg, sa timog-kanlurang Germany, at ng dalawang mayor, mula sa Obersulm at Waiblingen, ang mga bayan kung saan nakatira ang mga tumanggap ng parangal. Ini-award ng Minister of the Interior na si Reinhold Gall (larawan sa itaas, ikatlo mula sa kanan) kay Andreas Bonk ang Medal for Saving Lives of the Federal State of Baden-Württemberg (Lebensrettungsmedaille des Landes Baden-Württemberg). Ang asawa ni Mr. Bonk, si Christiane (larawan sa itaas, gitna), ang tumanggap ng medalya para sa asawa niya dahil nasa ospital ito noong okasyong iyon sanhi ng ibang insidente. Si Jorim Bonk (larawan sa itaas, gitna) ay binigyan din ng mayor ng Obersulm na si Tilman Schmidt (larawan sa itaas, dulong kaliwa) ng isang award na Certificate of Honor (Ehrungsurkunde).

Noong Mayo 11, 2014, sina Andreas at Jorim Bonk ay nagbibiyahe papunta sa isang malaking pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova para sa pagtuturo ng Bibliya, kung saan magbibigay si Andreas ng isang pahayag. Habang nasa highway, nakakita sila ng isang malalang aksidente. Apat na sundalo ng U.S. ang nakulong sa isang nagliliyab na sasakyan. Huminto ang mag-ama, at dalawang iba pa, para tumulong. Isinapanganib ni Andreas ang kaniyang buhay para mailabas ang mga pasahero mula sa nasusunog na sasakyan hanggang sa dumating ang mga pulis, bombero, at ambulansiya. Nakalulungkot, isa sa mga sundalo ang namatay. Sa ulat ng journal na Sulmtaler Woche, sinipi nito ang sinabi ni Minister Gall sa mga nagligtas, “Nagpakita kayo ng tapang at giting, at hindi ninyo inisip ang inyong sarili.” Dagdag pa ni Mayor Schmidt, “Sa ngalan ng mga mamamayan ng Obersulm, ipinagmamalaki namin kayo.”

Larawang kuha sa mismong pinangyarihan ng aksidente.

Ipinaliwanag ni Andreas Bonk kung bakit niya ginawa ang gayong katapangan: “Huminto ako dahil may malasakit ako sa kapuwa ko. Para sa akin, mahalaga ang buhay. . . . Kung sakaling ako o isang kamag-anak ko ang nasa gano’ng sitwasyon, umaasa akong magiging makatao rin at matapang ang iba para tumulong.” Dagdag pa ni Jorim, “Huwag na huwag sana nating babale-walain ang mga nangangailangan ng tulong.”

Ang award ceremony ay ginanap sa Obersulm Town Hall. Iniulat ng journal na STIMME.de ang tungkol sa okasyon at sinipi ang sinabi ng mayor ng Waiblingen na si Andreas Hesky (larawan sa itaas, ikalawa mula sa kanan): “Isang malaking karangalan ang inyong ginawa. Ipinagmamalaki ng bayan ng Waiblingen ang pagkakaroon ng mga mamamayang tulad ninyo. Kayo ay mabubuting halimbawa sa ating lipunan.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Germany: Wolfram Slupina, tel. +49 6483 41 3110