SETYEMBRE 12, 2014
GERMANY
Sachsenhausen Memorial—Pararangalan ang Isang Saksi ni Jehova na Pinatay ng mga Nazi
SELTERS, Germany—Sa Setyembre 16, 2014, magdaraos ang Brandenburg Memorials Foundation ng isang espesyal na okasyon para gunitain ang ika-75 anibersaryo ng pagpatay kay August Dickmann sa kampong piitan ng Sachsenhausen. Siya ang kauna-unahang tumangging maglingkod sa militar na pinatay ng mga Nazi sa harap ng publiko noong Digmaang Pandaigdig II.
Noong Oktubre 1937, ikinulong si Mr. Dickmann sa kampong piitan ng Sachsenhausen dahil sa kaniyang paniniwala bilang Saksi ni Jehova. Tatlong araw matapos sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, ipinatawag ng Gestapo si Mr. Dickmann para papirmahin sa isang military identification card at mapabilang sa hukbong Aleman. Nang tumanggi si Mr. Dickmann, ibinartolina siya. Humingi ng pahintulot ang kumandante ng kampo sa pinuno ng SS para maipapatay si Mr. Dickmann sa harap ng lahat ng iba pang bilanggo sa kampo. Noong Setyembre 15, 1939, daan-daang Saksi ni Jehova, kasama na ang kapatid ni Mr. Dickmann na si Heinrich, ang sapilitang pinapanoód sa pagpatay. Makalipas ang dalawang araw, ganito ang iniulat ng The New York Times mula sa Germany: “Si August Dickmann, 29 anyos, . . . ay binaril dito ng firing squad.” Idinagdag pa ng pahayagan na siya ay sinentensiyahan sa pagtangging maglingkod sa militar “dahil sa relihiyon.”
Noong Setyembre 18, 1999, isang plake ang inilagay sa pader ng dating kampong piitan bilang parangal sa mahigit 890 Saksi ni Jehova na ikinulong sa Sachsenhausen. Bukod diyan, isang memorial stone ang ipinakita sa publiko bilang parangal kay Mr. Dickmann.
Ang ika-75 anibersaryo ay magsisimula sa lugar ng memorial stone ni Mr. Dickmann, at susundan ng mga pahayag sa dating kusina ng mga bilanggo. Si Dr. Detlef Garbe, awtor at direktor ng Neuengamme Concentration Camp Memorial ang panauhing tagapagsalita.
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Germany: Wolfram Slupina, tel. +49 6483 41 3110