Pumunta sa nilalaman

Minos Kokkinakis: Noong tapon siya kasama ng iba pang Saksi at noong matanda na siya.

ENERO 7, 2019
GREECE

Pag-alaala sa 50-Taóng Pakikipaglaban Para sa Kalayaang Mangaral

Pag-alaala sa 50-Taóng Pakikipaglaban Para sa Kalayaang Mangaral

Walumpung taon na ang nakakaraan, ipinatapon si Minos Kokkinakis sa isang isla sa Greece na tinatawag na Amorgós sa Aegean Sea, at nanatili siya roon nang 13 buwan. Si Brother Kokkinakis ay hinatulan nang walang paglilitis sa salang paglabag sa batas na nagbabawal sa pangungumberte. Siya ang una sa 19,147 Saksi ni Jehova na inaresto mula 1938 hanggang 1992 dahil sa paglabag sa batas na ginawa ng Griegong diktador na si Ioannis Metaxas. Sa loob ng mga taóng iyon, matapang na nangaral ang mga kapatid natin kahit na binubugbog, inaaresto, at ibinibilanggo sila.

Noong mga 30 anyos si Brother Kokkinakis, sinimulan niya ang 50-taóng pakikipaglaban para sa kalayaan niyang mangaral. Mahigit 60 beses siyang inaresto at mahigit anim na taon siya sa mga bilangguan at mga isla ng mga preso, kasama ang iba pang Saksi na nagtiis sa nakapangingilabot na mga kalagayan. Sa edad na 77, inaresto siya sa huling pagkakataon, at umapela siya sa korte. Hindi siya kinatigan nito, kaya dinala niya ang kaso niya sa Korte Suprema ng Greece. Nagsampa si Brother Kokkinakis ng kaso sa European Court of Human Rights (ECHR), dahil hindi kinikilala ng Greece ang karapatan niyang sumamba nang malaya. Noong 1993, ang 84-anyos na si Minos Kokkinakis ay nanalo sa kaso, at ito ang kauna-unahang pagkakataon na idineklara ng ECHR na nagkasala ang isang bansa ng paglabag sa kalayaang sumamba. a Ang 2018 ang ika-25 anibersaryo ng makasaysayang desisyong ito. Ayon sa isang propesor sa batas, ang Kokkinakis ang “malamang na pinakamadalas banggiting desisyon ng European Court of Human Rights tungkol sa kalayaan sa pagsamba at paniniwala.”

Ang desisyong Kokkinakis ang ginagamit na basehan ng hatol sa katulad na mga kaso. Mahalaga pa rin ito ngayon dahil maraming makapangyarihang bansa, gaya ng Russia, ang humahadlang sa mga kapatid natin na sumamba nang malaya.

Ang pananampalataya at katatagan ni Brother Kokkinakis ay napakagandang halimbawa para sa mga kapatid nating pinag-uusig dahil sa kanilang pangangaral. Napakagandang patotoo ng katapatan niya na naaalala pa rin hanggang ngayon.—Roma 1:8.

a Namatay si Minos Kokkinakis noong Enero 1999.