Pumunta sa nilalaman

MAYO 25, 2023
GREECE

Kokkinakis v. Greece: Napakahalaga Pa Ring Desisyon Pagkatapos Nang 30 Taon

Nakatulong Para Protektahan ang Karapatang Sumamba ng Bawat Isa sa Buong Europe

Kokkinakis v. Greece: Napakahalaga Pa Ring Desisyon Pagkatapos Nang 30 Taon

Noong Mayo 25, 2023, ang ika-30 anibersaryo ng isa sa itinuturing ng mga eksperto sa batas na isa sa pinakamahahalagang desisyon ng European Court of Human Rights (ECHR)—ang Kokkinakis v. Greece. Sa desisyong ito unang hinatulan ng ECHR ang isang bansa na guilty sa paglabag sa kalayaang sumamba. Mula noong 1993, nakatulong ito sa pagprotekta sa karapatan sa pagsamba sa 46 na estado na miyembro ng Council of Europe. Habang sinisikap ng ilang makapangyarihang gobyerno na alisin ang ating karapatang sumamba sa mga bansa na gaya ng Russia, lalo pang nagagamit ng ECHR ang naging desisyon nito sa kaso ni Kokkinakis.

Hanggang sa ngayon, binabanggit ng opisyal na website ng Council of Europe ang kaso ni Kokkinakis kapag inilalarawan nito ang proteksiyong ibinibigay ng European Convention on Human Rights. Itinuturo ito sa mga law school at binabanggit sa mga apela sa European Court.

Ipinapakita ng desisyon sa kaso ni Kokkinakis na “kaugnay ng relihiyosong mga paniniwala ang pagpapatotoo sa salita at gawa.” Tinitiyak nito na “kasama sa kalayaan sa relihiyon . . . ang karapatang kumbinsihin ang kapuwa, halimbawa, sa pamamagitan ng ‘pagtuturo.’”

Ipinaliwanag ni Judge De Meyer, isa sa siyam na hukom sa ECHR na humawak ng kaso: “Ang pangungumberte, na nangangahulugang ‘sigasig sa pagpapalaganap ng pananampalataya,’ ay hindi isang krimen: isa itong paraan—na naaayon sa batas—ng ‘paghahayag ng relihiyon [ng isa].’”

Ang mahalagang desisyong ito ang nagwakas sa mahigit 50-taóng kaso ni Brother Minos Kokkinakis. Inaresto ng mga pulis sa Greece si Minos noong 1938 dahil umano sa paglabag sa isang batas na ipinatupad ng diktador ng Greece na si Ioannis Metaxas na nagsasabing isang krimen ang “pangungumberte.” Si Minos, 30 anyos nang panahong iyon, ang una sa 19,147 Saksi ni Jehova na inaresto dahil sa batas na iyan mula 1938 hanggang 1992. Tinatakot, minamaltrato, at binubugbog din ang mga Saksi ni Jehova noong mga dekadang iyon.

Walang takot na nagpatuloy si Minos sa kaniyang ministeryo. Dahil dito, mahigit 60 beses siyang naaresto, 18 beses na dinala sa mga hukuman sa Greece, mahigit anim na taon na nakulong at naging tapon, at pinagmulta nang ilang beses.

Sa wakas, noong 1993, pinawalang-sala ng ECHR si Minos, na 84 anyos na noon, at hinatulan nito ang Greece ng paglabag sa kalayaang sumamba ni Minos. Ipinag-utos ng ECHR na bayaran ng gobyerno si Minos dahil sa maraming taon ng pagdurusa niya at sa mga nagastos niya sa kaso. Ginugol ni Minos ang natitirang buhay niya sa Crete. Namatay siya noong 1999 sa edad na 90.

Pinagtibay ni Judge De Meyer na hindi kriminal si Minos kundi “nahatulan lang dahil sa sigasig na ipinakita niya, kahit wala siyang ginawang masama.”

Napakahalaga ng desisyong ito dahil may malaking epekto ito sa mga kaso natin sa ngayon. Sinabi ni Philip Brumley, abogado ng mga Saksi ni Jehova: “Dahil sa desisyon sa kaso ni Kokkinakis, napagtibay ang karapatan ng bawat isa na mapayapang kausapin ang iba tungkol sa pananampalataya niya. Ito ang pinakamahalaga at pinakamadalas sipiin na desisyon ng ECHR tungkol sa kalayaang sumamba, kahit sa labas ng Europe.”

Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa malaking tagumpay ng kaso ni Kokkinakis at sa magandang epekto nito sa iba pang mga kaso. Nagpapasalamat tayo sa kaniya sa kaniyang karunungan at patnubay habang patuloy nating ‘ipinagtatanggol at legal na itinatatag ang mabuting balita.’—Filipos 1:7.