Pumunta sa nilalaman

Kinakausap ni Brother Joseph F. Rutherford ang responsableng mga brother sa Parthenon nang dumalaw siya sa Greece noong 1920. Sa nakalipas na mga taon, itinayo sa iba’t ibang lugar ang tanggapang pansangay, pati na ang unang opisina sa Athens (itaas), isang opisina sa Maroussi (gitna), at ang kasalukuyang opisina sa Drapetsona

SETYEMBRE 29, 2022
GREECE

Naitatag ang Tanggapang Pansangay sa Greece 100 Taon Na ang Nakalipas

Naitatag ang Tanggapang Pansangay sa Greece 100 Taon Na ang Nakalipas

Oktubre 6, 2022 ang ika-100 taon mula nang itatag ang unang tanggapang pansangay sa Greece.

Ang liham ni Brother Rutherford noong Oktubre 6, 1922 tungkol sa pagkakaroon ng tanggapang pansangay sa Greece

Ang pangangaral ng mabuting balita sa Greece sa modernong panahon ay nagsimula noong 1905. Masigasig na ipinangaral ng mga Saksi ni Jehova ang mensahe ng Bibliya sa bansa, at noong 1922, itinatag ni Brother Joseph F. Rutherford ang unang tanggapang pansangay sa Athens. Inatasan si Brother Athanassios Karanassios bilang unang kinatawan ng sangay. Nagsimulang mag-imprenta ang sangay ng mga publikasyon sa wikang Greek noong 1936. Makalipas ang dalawang taon, gumawa ng batas ang gobyerno laban sa proselitismo. Dahil diyan inaresto si Brother Karanassios noong 1939. Isinara ang imprentahan at kinumpiska ang pag-aari ng organisasyon nang ilang buwan. Pagkatapos, nasangkot ang Greece sa Digmaang Pandaigdig II, nagdeklara ng martial law, kaya ipinagbawal ang ating mga publikasyon at isinara ang mga pasilidad ng sangay.

Pagkatapos ng digmaan noong 1945, muling inorganisa ng mga kapatid na nangunguna ang gawaing pangangaral nang alisin ang pagbabawal. Makalipas ang dalawang taon, dinalaw ni Brother Nathan H. Knorr ang mga kapatid sa Greece at nagplano na magkaroon ng bagong mga pasilidad ng sangay sa Tenedou Street sa Athens. Talagang pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap na ito. Noong 1951, mayroon nang 3,368 mamamahayag sa bansa, na 26  porsiyentong pagsulong mula noong nakaraang taon.

Noong Oktubre 1954, inialay ng mga kapatid ang bagong tahanang Bethel na nasa Kartali Street sa Athens. Sumulong ang gawain sa kabila ng pag-uusig. Noong 1967, kinontrol ng militar ang Greece, at ipinagbawal uli ang mga pulong ng kongregasyon at pangangaral.

Si Brother Michalis Kaminaris at ang asawa niyang si Eleftheria, ay naglingkod sa Bethel noong panahon ng pagbabawal. Sinabi ni Brother Kaminaris: “Noong panahon ng pagbabawal, hindi kami pinayagang mag-imprenta sa Bethel, kaya ang bahay na tinitirhan namin ni Eleftheria sa labas ng lunsod ng Athens ang naging imprentahan. Tina-type ni Eleftheria ang mga kopya ng mga artikulo sa Bantayan gamit ang mabigat na typewriter. Para maimprenta ang mga letra, maglalagay siya ng 10 papel sa typewriter at mariing pipindutin ang mga letra. Pagsasama-samahin ko naman ang mga pahina at tatahiin ito. Gabi-gabi namin itong ginagawa hanggang hatinggabi. May pulis na nakatira sa ibaba namin, kaya nagtataka kami hanggang ngayon kung bakit hindi siya naghinala.”

Patuloy na dumami ang mamamahayag kahit may pagbabawal. Nang alisin noong 1974 ang pagbabawal, kailangan na naman ng mas malaking pasilidad ng sangay. Nang sumunod na mga dekada, patuloy na dumami ang mamamahayag sa Greece kaya patuloy na pinapalaki ang tanggapang pansangay. Ang kasalukuyang pasilidad ng sangay na nasa Drapetsona, Piraeus, ay inialay noong Nobyembre 18, 2018. Mayroon na ngayong 27,752 mamamahayag sa Greece.

Patuloy ang pagsulong sa Greece sa nakalipas na 100 taon kahit may mga pagbabawal, digmaan, at pag-uusig. Patunay ito na walang makakahadlang kay Jehova para ‘mapabilis ang gawain sa takdang panahon nito.’—Isaias 60:22.