DISYEMBRE 23, 2019
GUATEMALA
Nakinabang ang mga Pulis at Opisyal ng Fire Department sa Salig-Bibliyang Pagtuturo
Noong Mayo 2019, pinayagan ng mga awtoridad sa Guatemala na magturo ang mga kapatid gamit ang Bibliya sa mga pulis at bombero. Sa ngayon, 450 bombero at pulis na ang nakadalo rito, na ginagawa sa mga lunsod ng Coatepeque, Colomba Costa Cuca, Malacatán, at San Rafael Petzal.
Isang elder na kasama rito, si Juan Carlos Rodas, ang nagsabi: “Sa loob ng mahigit 15 taon, nakapagdaos na ang mga Saksi ni Jehova ng pag-aaral ng Bibliya sa mga preso sa tatlong magkakaibang bilangguan sa Guatemala. Napansin ng mga pulis na nagbago ang ugali ng mga preso na nakikipag-aral ng Bibliya sa atin. Kaya inirekomenda nila na gawin din ito sa mga pulis at bombero.”
Sa ilalim ng pangangasiwa ng sangay sa Central America, idinaraos ang mga pagtuturong ito dalawang beses sa isang linggo at tumatagal ito nang mga 15 minuto. Tinatalakay rito kung paano mapapaganda ang kaugnayan sa iba, kung paano gagamitin ang awtoridad, at kung paano magtutulungan bilang isang team. Ang mga kapatid na nagtuturo ay nagbibigay rin ng publikasyon, nagpapapanood ng mga video sa ating website, at nagtuturo kung paano maghahanap ng impormasyon gamit ang app na JW Library.
Pribilehiyo ng mga Saksi ni Jehova na magturo sa mga pulis at bombero. Umaasa tayo na makikinabang ang mga opisyal sa praktikal na karunungan mula sa Bibliya.—2 Timoteo 3:16.