Pumunta sa nilalaman

Mayo 6, 2015
GUATEMALA

Mga Paaralan sa Guatemala Binigyang-Pansin ang Karahasan ng mga Kabataan; Humiling ng mga Publikasyon sa mga Saksi ni Jehova

Mga Paaralan sa Guatemala Binigyang-Pansin ang Karahasan ng mga Kabataan; Humiling ng mga Publikasyon sa mga Saksi ni Jehova

MEXICO CITY—Tatlong paaralan sa Guatemala ang humiling ng mga publikasyon sa mga Saksi ni Jehova para gamitin sa kanilang pagtuturo. Nagbigay ang mga Saksi ng 3,500 literatura sa wikang Spanish at Quiché. Ang Quiché ay isang wika ng mga Amerikanong Indian na kabilang sa mga wikang Mayan, na sinasalita sa kanluraning bulubundukin ng Guatemala.

Official Rural Coeducational Elementary School sa Paraje Xepec: Ginagamit ng isang guro sa kaniyang klase ang librong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at ang Mga Leksiyon Ko sa Bibliya, na ibinigay ng mga Saksi ni Jehova.

Kinontak ng mga paaralan ang mga Saksi ni Jehova dahil kabilang sila sa iilang organisasyong naglalathala ng mga literatura sa wikang Quiché at marami sa kanilang publikasyon ang nagbibigay-pansin sa mga problemang napapaharap sa mga kabataan sa Guatemala. Sa isang opisyal na dokumento mula sa Official Rural Coeducational Elementary School sa Paraje Xepec, sinabi ni Professor Maria Cortez na humiling sila ng literatura “para sagipin ang magagandang asal na talagang kailangan sa lipunan.”

Elisa Molina de Sthall Official Rural Coeducational School: Mga estudyanteng nagbabasa ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya sa wikang Quiché.

Ipinakikita ng mga pag-aaral kamakailan na laganap ang krimen at karahasan ng mga kabataan sa buong Guatemala. Dahil dito, ang mga organisasyon sa Guatemala gaya ng Violence Prevention Program (VPP) ay binuo para hikayatin “ang mga estudyante, magulang, guro, lokal na mga awtoridad, at mamamayan na magsaayos ng ligtas na mga lugar sa paaralan at magbigay ng mga aktibidad at vocational training sa mga bata at kabataan.” Kaayon ng mga pagsisikap na ito, ang National Institute of Basic Education with Agricultural Orientation (INEBOA), ang Elisa Molina de Sthall Official Rural Coeducational School (EORM), at ang Official Rural Coeducational Elementary School sa Paraje Xepec, ay humiling ng mga kopya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya sa wikang Quiché. Humiling din ang INEBOA sa mga Saksi ng publikasyon para sa mga kabataan, ang Tomo 1 at 2 ng Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas sa wikang Spanish. Ibinigay ng paaralan ang mga aklat sa mga magulang para matulungan ng mga ito ang kanilang mga anak na makapaghanda ng aralin sa culture class. Ginagamit na rin ng paaralan sa kanilang pagtuturo ang video na Ang Pagbabalik ng Alibugha, na ginawa ng mga Saksi ni Jehova.

Sinabi ni Erick De Paz, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Guatemala: “Bagaman ang pangunahin naming gawain ay ang ibahagi sa mga tao sa kanilang tahanan ang mensahe mula sa Bibliya, masaya kami na nagagamit ng mga guro at magulang ang aming mga publikasyon para tulungan ang mga kabataan.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Guatemala: Juan Carlos Rodas, tel. +502 5967 6015

Mexico: Gamaliel Camarillo, tel. +52 555 133 3048