Pumunta sa nilalaman

MAYO 15, 2017
HAITI

Malapit Nang Matapos ang Pagtulong sa mga Biktima ng Bagyong Matthew sa Haiti

Malapit Nang Matapos ang Pagtulong sa mga Biktima ng Bagyong Matthew sa Haiti

Ang disaster relief committee ang nagpalit ng bubong sa bahay na ito.

PORT-AU-PRINCE, Haiti—Hinampas ng Bagyong Matthew ang bansa noong Oktubre 4, 2016, na nagdulot ng pagkawasak na hindi pa nangyari mula noong lindol ng 2010. Ito ang pinakamatinding bagyo na tumama sa Haiti sa nakalipas na mahigit 50 taon. Gaya ng iniulat sa Newsroom ng jw.org noong Oktubre 24, 2016, tumulong ang mga Saksi ni Jehova sa pagdadala ng pagkain, gamot, at mga tolda. Pagkatapos na lubusang masuri ang pinsala, sinimulan ng mga Saksi ang ikalawang yugto ng pagtulong sa mga biktima noong Enero 1, 2017, kasali rito ang paggamit ng tatlong disaster relief committee para pangasiwaan ang 14 na construction team na nagkukumpuni sa 203 nasira at nawasak na bahay. Ang pagtulong ng mga Saksi sa mga biktima ng bagyo ay matatapos sa Hunyo 2017.

Si Daniel Lainé, tagapagsalita para sa pambansang punong-tanggapan ng mga Saksi sa Port-au-Prince, ay nagsabi: “Ang layunin ng proyektong ito ay maglaan ng sapat na pabahay sa lahat ng aming kapuwa Saksi na ang mga bahay ay grabeng naapektuhan ng bagyo.” Hindi ito madaling gawin. Sinabi ni Mr. Lainé na “naging mahirap ang pagtulong sa mga biktima” dahil sa napinsalang mga linya ng telepono at kalsada. Hanggang noong Abril 20, mga 96 na bahay na ang natapos at 30 pa ang ginagawa.

Smith Mathurin, kinatawan sa Parlamento para sa mga pamayanan ng Paillant at Petite Rivière de Nippes.

Pinasalamatan ng lokal na mga opisyal ang tulong ng mga Saksi. Sinabi ni Smith Mathurin, kinatawan sa Parlamento para sa mga pamayanan ng Paillant at Petite Rivière de Nippes, na lubhang naapektuhan: “Kahit na ang pangunahing tunguhin ng mga Saksi ni Jehova ay ang ipangaral ang mabuting balita, nagbigay rin sila ng praktikal na tulong sa mga nangangailangan.” Sinabi pa niya: “Pinasasalamatan ko ang malaking tulong ng mga Saksi ni Jehova pagkatapos ng Bagyong Matthew. May kailangang gawin, at hindi lang kayo nanatili sa loob ng inyong simbahan.”

Ipinakikita sa isang kinatawan mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Haiti ang ginawang bagong bubong.

Ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, na nasa pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York, ang nag-oorganisa ng pagtulong sa mga nakaranas ng sakuna gamit ang mga pondong iniabuloy sa pandaigdig na gawaing pagtuturo sa Bibliya ng mga Saksi.

Media Contacts:

International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000

Haiti: Daniel Lainé, +509-2813-1560