OKTUBRE 30, 2020
INDIA
Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin sa Tatlong Wika sa India
Noong Linggo ng Oktubre 25, 2020, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa tatlong wika sa India: Gujarati, Kannada, at Punjabi. Inilabas ang mga Bibliya sa digital format sa isang nakarekord na pahayag. Naka-connect ang mga mamamahayag sa virtual na programa. At na-download agad nila ang Bibliya sa wika nila pagkatapos ng programa.
Gujarati
Mga 61 milyon ang nagsasalita ng wikang Gujarati sa buong mundo.
Anim na translator na hinati sa dalawang team ang nagsalin ng Bibliya sa loob ng pitong taon. Sinabi ng isa sa kanila: “Sobrang saya namin nang i-release ito. Madali itong maintindihan kahit ng mga bata.”
Sinabi ng isa pang translator: “Ibinalik ng Bibliyang ito ang pangalang Jehova kung saan ito lumitaw sa orihinal na teksto. Alam naming mapapatibay ang pananampalataya ng mga kapatid habang ginagamit nila ang Bibliyang ito sa kanilang personal na pag-aaral.”
Sigurado kami na ang saling ito na madaling maintindihan ay magkakaroon ng malaking epekto sa mga babasa nito at tutulong sa maaamo na matuto tungkol kay Jehova.—Awit 25:9.
Kannada
Sa wikang Kannada, malaki ang pagkakaiba kapag sinasabi ang mga salita kaysa kung isusulat ito. Iba-iba ang kahulugan ng isang salita depende sa rehiyon. Kaya nahirapan ang mga translator na gawing natural at simple ang pagsasalin nila nang hindi naikokompromiso ang kahulugan ng mensahe ng Bibliya.
Mahigit pitong taon bago nila natapos ang pagsasalin. Sampung translator ang nagtulong-tulong sa proyekto. Sinabi ng isa sa kanila: “Akala ko sa 2021 pa mare-release ang Bibliyang ito dahil sa COVID-19 pandemic. Pero nakita ko na walang makakapigil sa gawain ni Jehova.”
Sinabi pa ng isa sa kanila: “Sobrang saya namin ngayong mababasa na ng mga nagsasalita ng Kannada ang salita ni Jehova sa sarili nilang wika at mababasa na rin nila ang pangalan niya sa tamang lugar nito sa Bibliya!”
Alam naming makakatulong ang Bibliyang ito sa mahigit 2,800 mamamahayag na nagsasalita ng Kannada sa teritoryo ng sangay sa India. Matutulungan din nito ang halos 46 na milyon na nagsasalita ng Kannada sa buong mundo para maunawaan nila ang “saganang pagpapala, karunungan, at kaalaman ng Diyos.”—Roma 11:33.
Punjabi
May anim na translator ang team. At natapos nila ang proyekto sa loob ng 12 taon. Mahigit 100 milyong nagsasalita ng Punjabi sa India at sa buong mundo ang matutulungan ng saling ito.
Ikinomento ng isa sa mga translator: “Ginawa namin ang makakaya namin kahit limitado ang kakayahan o pananalapi namin. Alam naming tinulungan kami ni Jehova para matapos ang gawaing ito. Mapapatibay ng Bibliyang ito ang pananampalataya ng mga kapatid, mababawasan ang pag-aalala nila, at matutulungan silang mas makayanan ang mga problema.”
Sinabi pa ng isa sa kanila: “Mag-e-enjoy ang tapat na mga tao na basahin ang Bibliyang ito, lalo na ang patulang mga aklat. Marami silang matututuhan sa mga research feature ng Bibliyang ito.”
Nagpapasalamat tayo sa “kamangha-manghang mga gawa” ni Jehova. ‘Hindi kayang banggitin ang lahat ng iyon dahil sa dami.’—Awit 40:5.