Pumunta sa nilalaman

Kaliwa: Entrance sa pasilidad kung saan ginanap ang panrehiyong kombensiyon. Kanan: Nakikinig nang mabuti sa programa ng panrehiyong kombensiyon ang mga dumalo

NOBYEMBRE 1, 2023
INDIA

Patuloy na Dinadamayan ng mga Saksi sa India ang Isa’t Isa Pagkatapos ng mga Pagsabog sa Isang Kombensiyon

Patuloy na Dinadamayan ng mga Saksi sa India ang Isa’t Isa Pagkatapos ng mga Pagsabog sa Isang Kombensiyon

Gaya ng binanggit sa isang breaking news sa jw.org, may mga bombang sumabog sa isang panrehiyong kombensiyon na ginanap sa Kerala, India, noong Linggo, Oktubre 29, 2023. Nakakalungkot, bukod sa dalawang sister na unang iniulat na namatay, namatay rin ang isang 12-anyos na batang babae dahil sa mga pinsalang natamo niya. May 55 kapatid na nasaktan, at ang ilan sa kanila ay may malubhang sunog sa katawan.

Sa ngayon, may tatlong sister at dalawang brother na nasa kritikal na kondisyon sa ospital. Ayon sa mga awtoridad, di-bababa sa tatlong bomba ang sumabog bandang 9:40 n.u. sa pambukas na panalangin. Nahuli na ng mga pulis ang suspek sa pambobomba, at patuloy pa rin ang imbestigasyon.

Nagpapasalamat tayo sa mga emergency personnel na mabilis na rumesponde at sa mga staff ng ospital na nag-aalaga ngayon sa mga nasaktan.

Naantig din at napatibay ang mga dumalo sa pag-ibig at pag-alalay ng mga kapananampalataya nila. Sinabi ng isang sister na nasa awditoryum nang sumabog ang mga bomba: “Nanalangin agad ako kay Jehova. Iningatan kami ng mga attendant at ng iba pang brother, at kumilos sila agad para masiguradong ligtas kami. Patunay iyon ng pag-ibig at pagmamalasakit ni Jehova sa bawat isa sa amin.”

Pinapatibay at tinutulungan ng mga kinatawan ng sangay sa India, tagapangasiwa ng sirkito, at lokal na mga elder ang mga naapektuhan. Sinabi ng isang elder mula sa sangay na pumunta sa Kerala para patibayin ang naapektuhang mga kapatid: “Napakasakit ng nangyari at nakaka-trauma, pero napatibay ako sa pagiging positibo ng mga kapatid na nasaktan. Nakausap ko ang marami sa kanila. Ako mismo ang napatibay nang makita ko ang pagtitiwala nila kay Jehova.”

Ipinapanalangin ng mga kapatid sa buong mundo ang pamilya ng mga biktima at ang lahat ng iba pang naapektuhan sa nakakatakot na trahedyang ito sa India. Napapanatag tayo kapag iniisip natin ang pangako ng Bibliya na darating ang panahong wala nang karahasan, pagdurusa, at kamatayan. Determinado tayong patuloy na magtiwala kay Jehova.​—Awit 56:3.