NOBYEMBRE 11, 2014
INDIA
Isang Mahalagang Kaso sa Korte Suprema ng India—Ipinagtanggol ang Kalayaan sa Pagsasalita sa Loob ng Halos 30 Taon
Hulyo 8, 1985. Isang karaniwang araw para sa tatlong estudyante sa maliit na bayan ng Kerala, sa timog-kanlurang rehiyon ng India. Pero nang araw na ito, iniutos ng prinsipal ng paaralan na awitin sa klase ang pambansang awit na “Jana Gana Mana.” Ang lahat ay hinilingang tumayo at umawit. Pero hindi ito ginawa ng 15-anyos na si Bijoe at ng dalawa niyang kapatid na babae na sina Binu Mol (edad 13) at Bindu (edad 10). Bilang mga Saksi ni Jehova, hindi maatim ng kanilang budhi na umawit dahil naniniwala silang isa itong anyo ng pagsamba sa idolo at isang pagtataksil sa kanilang Diyos na si Jehova.
Nakipag-usap ang ama ng mga bata, si V. J. Emmanuel, sa prinsipal at mga senior teacher, na pumayag namang papasukin sa eskuwelahan ang mga bata kahit hindi sila aawit ng pambansang awit. Pero narinig ng isang empleado sa paaralan ang usapan at inireport ito. Nang maglaon, nakarating ito sa isang miyembro ng Legislative Assembly na siyang nagbangon ng isyung ito sa Assembly, dahil para sa kaniya, ang ginawa ng mga estudyante ay hindi makabayan. Di-nagtagal, iniutos ng superintendent sa prinsipal na patalsikin ang mga bata sa paaralan kung hindi sila aawit ng pambansang awit. Nakiusap si Mr. Emmanuel sa mga awtoridad ng paaralan na pabalikin ang kaniyang mga anak, pero hindi siya pinagbigyan. Nag-file siya ng petisyon sa Mataas na Hukuman ng Kerala. Nang ibasura ng korte ang kaso, umapela siya sa Korte Suprema ng India.
Pinagtibay ng Korte Suprema ang mga Karapatang Ayon sa Konstitusyon
Noong Agosto 11, 1986, pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang naging desisyon ng Mataas na Hukuman ng Kerala sa kasong Bijoe Emmanuel v. State of Kerala. Sinabi ng Korte na ang pagpapatalsik sa mga bata dahil sa kanilang “relihiyosong paniniwala udyok ng budhi” ay paglabag sa Konstitusyon ng India. Sinabi ni Justice O. Chinnappa Reddy: “Walang probisyon ang batas na umoobliga sa kaninuman na awitin ang Pambansang Awit.” Ayon sa Korte, kasali rin sa karapatan sa malayang pagsasalita at pagpapahayag ang karapatang manatiling tahimik, at na ang pagtayo habang inaawit ang pambansang awit ay pagpapakita ng paggalang. Iniutos ng Korte sa mga awtoridad ng paaralan na pabalikin ang mga bata.
Ganito ang napansin ni Justice Reddy: “Saanman, hindi sila [mga Saksi ni Jehova] umaawit ng Pambansang Awit, ‘Jana Gana Mana’ sa India, ‘God save the Queen’ sa Britain, ‘The Star-Spangled Banner’ sa United States, at iba pa.” Ayon pa sa kaniya, tumatanggi silang umawit dahil sa paninindigan nila sa kanilang relihiyosong paniniwala na huwag makisali sa anumang ritwal maliban sa kanilang pananalangin sa kanilang Diyos na si Jehova.
Kaso, Nagsilbing Legal na Saligan Para sa Karapatan sa Relihiyon
Napakahalaga ng kasong Bijoe Emmanuel v. State of Kerala dahil pinagtitibay nito na walang sinuman ang maaaring pilitin ng batas na labagin ang kaniyang relihiyosong paniniwala udyok ng kaniyang budhi. Bagaman ang mga saligang karapatan ay relatibo at napasasailalim sa mga tuntunin hinggil sa kaayusan ng lipunan, moralidad, at kalusugan, nilimitahan ng Korte ang kakayahan ng Estado na magpataw ng di-makatuwirang pagbabawal sa mga mamamayan nito. Nakasaad sa desisyon: “Ang pagpilit sa bawat estudyante na umawit ng Pambansang Awit sa kabila ng pagtanggi nito dahil sa kaniyang budhi at relihiyosong paniniwala ay malinaw na paglabag sa karapatan na ginagarantiyahan ng Art. 19(1)(a) at Art. 25(1) [ng Konstitusyon ng India].”
Sa naging desisyon ng Korte, naingatan din maging ang konstitusyonal na kalayaan ng mga minorya. Sinabi pa ng Korte: “Makikita ang tunay na demokrasya kapag may puwang sa Konstitusyon ng bansa kahit ang mga di-mahalaga o maliliit na grupo sa lipunan.” Idinagdag pa ni Justice Reddy: “Hindi mahalaga kung ano ang opinyon o reaksiyon natin. Kapag ang isang paniniwala ay tunay at udyok ng budhi, poprotektahan ito ng Art. 25 [ng Konstitusyon].”
“Itinuturo ng ating tradisyon ang pagpaparaya; ipinangangaral ng ating pilosopiya ang pagpaparaya; isinasagawa ng ating konstitusyon ang pagpaparaya; huwag nating bantuan ito.”—Justice O. Chinnappa Reddy
Epekto ng Desisyon sa Lipunan
Inilathala at tinalakay sa Parlamento ang kasong Bijoe Emmanuel v. State of Kerala. Ang desisyon ay naging bahagi ng kurikulum sa mga paaralan ng batas kapag pinag-aaralan ang batas ng konstitusyon. Lagi pa rin itong ginagamit na reperensiya sa mga babasahín tungkol sa batas at mga artikulo sa diyaryo at naging saligan para sa kalayaan ng relihiyon sa India. Malaki rin ang naitulong nito para bigyang-linaw ang kalayaan sa relihiyon sa isang lipunan na binubuo ng iba’t ibang grupo at politikal na partido. Iniingatan nito ang kalayaan sa pagsasalita at pagpapahayag sa India kailanma’t kinukuwestiyon ang karapatang ito.
Pagprotekta sa mga Karapatang Ayon sa Konstitusyon, Kapaki-pakinabang sa Lahat
Tiniis noon ng pamilyang Emmanuel ang panunuya, panggigipit ng mga awtoridad, at maging ang pagbabanta sa buhay nila. Pero hindi nila pinagsisisihan ang paninindigan sa kanilang relihiyosong paniniwala. Si Bindu, na may asawa’t anak na ngayon, ay nagsabi: “May nakilala akong abogado na pinag-aralan ang kaso ko sa isang paaralan ng batas. Pinasalamatan niya ang mga Saksi ni Jehova dahil ipinaglaban nila sa korte ang mga karapatang pantao.”
Ikinuwento ni V. J. Emmanuel: “Nakilala ko kamakailan si Justice K. T. Thomas, isang retiradong Hukom ng Korte Suprema. Nang malaman niyang ako ang ama ng tatlong bata na nasangkot sa kaso ng pambansang awit, pinapurihan niya ako at sinabi na sa tuwing pinagsasalita siya sa mga pagtitipon ng mga abogado, binabanggit niya ang tungkol sa kaso hinggil sa pambansang awit, sa paniniwalang ito ay isang napakahalagang tagumpay para sa karapatang pantao.”
Sa loob halos ng 30 taon pagkatapos ng desisyon, ang kasong Bijoe Emmanuel v. State of Kerala ay naging pundasyon ng kalayaan sa pagsasalita sa India. Natutuwa ang mga Saksi ni Jehova na nakatulong sila sa konstitusyonal na kalayaan ng lahat ng mamamayan sa India.