Pumunta sa nilalaman

INDIA

Maikling Impormasyon—India

Maikling Impormasyon—India

Noon pa mang 1905, mayroon nang mga Saksi ni Jehova sa India. Nakapagtayo sila ng opisina noong 1926 sa Bombay (ngayo’y Mumbai), at legal silang nairehistro noong 1978. Nakikinabang ang mga Saksi sa garantiya ng konstitusyon ng India, kabilang na ang karapatang magsagawa, magpakilala, at magpalaganap ng pananampalataya ng isa. Ang pagkapanalo nila sa kasong Bijoe Emmanuel v. State of Kerala sa Korte Suprema ng India ay nakatulong sa lahat ng mamamayan na magkaroon ng konstitusyonal na mga kalayaan. Sa pangkalahatan, malaya sa pagsamba ang mga Saksi ni Jehova sa India. Pero sa ilang estado, sila ay nagiging biktima ng mga pang-uumog at iba pang karahasan dahil sa relihiyon.

Noong 1977, ipinakita ng Korte Suprema ang pagkakaiba ng pagpapalaganap ng relihiyon at ng pangungumberte. Nanindigan sila na walang sinuman ang may karapatang mangumberte at na ang batas laban sa pangungumberte ay legal. Sa harap ng mga pulis, kadalasan nang ginagamit ng mga mang-uumog ang sinabi ng korte at may-kasinungalingang idinadahilan na nahuli nilang nangungumberte ang mga Saksi. Sa mga estadong walang batas laban sa pangungumberte, ang mga Saksi ay inaakusahan ng pamumusong. Isang batas mula pa noong panahon ng kolonisasyon ang may-kamaliang ginagamit ng mga mananalansang laban sa pangangaral ng mga Saksi. Dahil dito, ang mga Saksi ni Jehova ay naging biktima ng mahigit 150 mararahas na pang-uumog mula pa noong 2002. Lalong nadaragdagan ang problema dahil hindi sapat na napoprotektahan ng lokal na mga awtoridad ang mga biktima ni naparurusahan ang mga mang-uumog.

Patuloy na nakikipag-usap ang mga Saksi ni Jehova sa mga opisyal ng gobyerno at humihiling sa korte na protektahan ang kanilang karapatan sa malayang pagsamba. Umaasa ang mga Saksi na susundin ng lokal na mga awtoridad at indibiduwal ang pahayag ng Korte Suprema may kinalaman sa Bijoe case: “Itinuturo ng ating tradisyon ang pagpaparaya; ipinangangaral ng ating pilosopiya ang pagpaparaya; isinasagawa ng ating konstitusyon ang pagpaparaya; huwag nating bantuan ito.” Umaasa rin ang mga Saksi na sa kanilang pagsisikap na ito, matitigil na ang pang-uumog at magkakaroon ng pagpaparaya sa relihiyon.