DISYEMBRE 4, 2020
INDONESIA
Inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang Kumpletong Bagong Sanlibutang Salin sa Apat na Katutubong Wika sa Indonesia
Noong Nobyembre 28, 2020, inilabas ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa nakaimprentang kopya at electronic format sa apat na katutubong wika sa Indonesia: Batak Karo, Batak Toba, Javanese, at Nias. Ini-release ang mga ito ni Brother Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, sa isang nakarekord na programa na napanood ng lahat ng kongregasyon sa maraming isla sa Indonesia. Mga 41,265 ang nakapanood. Sinabi rin ni Brother Jackson sa programa na malapit na ring ilabas sa digital format ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Sunda.
Nagpapasalamat tayo sa mga translator ng Bibliya na masipag na nagsalin nito sa loob ng mahigit tatlo at kalahating taon. Mahigit 100 milyon ang nagsasalita ng isa sa apat na katutubong wikang ito. Bukod diyan, mahigit 2,600 kapatid ang gumagamit ng mga wikang ito sa pangangaral at mga pulong.
Marami sa mga tao doon ang hindi na nakakaintindi ng mga makalumang spelling at wika na ginamit sa mga dating salin ng Bibliya. Sinabi ng isang translator: “Dahil sa kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, sigurado akong gusto talaga ng Diyos na Jehova na mabasa ng lahat ng tao ang kaniyang Salita sa wikang naiintindihan nila at nakakaabot sa puso nila.”
Sinabi ni Daniel Purnomo, miyembro ng Komite ng Sangay sa Indonesia: “Napakahirap ng buhay ngayon sa mundo, at mas humirap pa ito dahil sa COVID-19 pandemic. Kaya talagang nagpapasalamat ang mga kapatid natin sa regalong ito na kailangang-kailangan nila sa ngayon.”
Nagpapasalamat tayo na tiniyak ni Jehova na mas marami pang tao ang makakabasa ng kaniyang Salita. Umaasa tayong matutulungan nito ang mga nagsasalita ng mga katutubong wikang ito.—Santiago 1:17.