OKTUBRE 30, 2019
INDONESIA
Pinrotektahan ng Korte sa Indonesia ang Kalayaan sa Relihiyon ng mga Estudyante
Noong Agosto 8, 2019, ang Administrative Court of Samarinda ay nagdesisyon pabor sa tatlong bata na pinatalsik sa paaralan dahil sa hindi pagsaludo sa bandila o pagkanta ng pambansang awit. Sinabi ng korte na hindi dapat pinatalsik ang tatlong bata at dapat silang payagang bumalik sa paaralan. Ang desisyong ito ay patunay na sa Indonesia, puwedeng ituro ng mga magulang sa mga anak ang relihiyon nila at na hindi dapat parusahan ang mga bata dahil sa pagsunod sa paniniwala ng mga magulang nila.
Sina Yonatan, Yosua, at Maria Tunbonat, edad 7, 10, at 12, ay pinatalsik noong Disyembre 2018. Pero naniniwala ang Administrative Court na ang mga bata ay hindi naman lumabag sa anumang batas, kasama na ang Konstitusyon, nang hindi sila sumaludo sa bandila at kumanta ng pambansang awit. Sinabi rin nito na hindi winalang-galang ng mga bata ang mga kaugalian at simbolo ng bansa.
Natutuwa tayong iginalang ng korte ang paniniwala ng mga bata at pinayagan silang bumalik sa paaralan. Umaasa tayong ang desisyong ito ng korte ay makakatulong din sa ibang batang Saksi sa Indonesia na may ganito ring problema sa paaralan.