HUNYO 24, 2021
INDONESIA
Relief Effort sa Indonesia, Nagpatibay sa Pag-ibig ng mga Kapatid at Nagbigay ng Mabuting Patotoo
Noong Abril 4, 2021, pininsala ang Bagyong Seroja ang Indonesia. Ang pagtulong para kumpunihin ang mga bahay ng ating mga kapatid ay nagpatibay sa pag-ibig ng mga kapatid at naudyukan din ang mga nakakita nito na purihin si Jehova.
Sinabi ni Sister Ela Ludjipau, isang nagsosolong ina na ang nasirang bahay ay kinumpuni sa pangangasiwa ng Disaster Relief Committee (DRC): “Kahit na solo kong pinapalaki ang aking mga anak, hindi ko nadarama na nag-iisa ako dahil lagi akong tinutulungan ng aking mga kapatid.” Sinabi naman ng isang sister, si Yuliana Baunsele: “Nang dumating agad ang mga kapatid pagkatapos ng sakuna, mas nakumbinsi ako na talagang mahal ako ni Jehova.”
Sinabi ni Brother Dicky Thome, isang miyembro ng DRC: “Nakakatuwang makita ang tulong ni Jehova sa mga kapatid na nangangailangan. Napatibay kaming makita ang laki ng pagpapahalaga ng mga kapatid sa natanggap nilang tulong. Napatibay ang aming pananampalataya na makita ang pagtitiwala nila sa proteksiyon at tulong ni Jehova.”
Hindi lang ang mga kapatid natin ang nakapansin sa pag-ibig na ipinapakita natin isa’t isa. Si Brother Marsel Banunaek at ang pamilya niya ay nakatira sa isang lugar kung saan nagkakabaha-bahagi ang mga tribo. Salansang ang mga kapitbahay niya sa mga Saksi ni Jehova. Pero sinabi ni Brother Banunaek na nang makita ng mga kapitbahay niya ang mga kapatid mula sa iba’t ibang tribo na nagbibigay ng tulong sa kaniyang pamilya, sinabi sa kaniya ng ilang kapitbahay: “Hindi pala totoo ang mga sinasabi ng iba tungkol sa mga Saksi ni Jehova.” Sinabi ni Brother Banunaek: “Humanga ang mga kapitbahay namin nang makita nila ang ating pag-ibig at pagkakaisa. Napansin din ng mga kamag-anak namin ang kabaitan ng ating mga kapatid. Nagtatanong na sila tungkol sa ating mga paniniwala. Lubos din kaming nagpapasalamat sa ating maibiging kapatiran!”
Sinabi ng isang opisyal ng gobyerno, si Mrs. Yosi Duli Ottu, “kapuri-puri” ang DRC’s dahil organisado sila at maingat na sinusunod ang lahat ng COVID-19 safety rules. Sinabi niya sa DRC: “Humahanga ako sa ginawa ninyo sa inyong mga kaibigan. Alisto kayo at agad na tumutulong kapag sila ay dumaranas ng sakuna. Mahusay ang kaayusan ninyo sa pagtulong, at talagang alam na alam ninyo ang gagawin.”
Maaaring sirain ng mga sakuna ang ari-arian pero hindi nito masisira ang tunay na pag-ibig at pagkakaisang Kristiyano. Nakakatuwang makita kung paano napapatibay ng ‘mabubuting gawa’ ang ating pag-ibig sa isa’t isa at nag-uudyok sa iba na “purihin” si Jehova!—Mateo 5:16.