Pumunta sa nilalaman

PEBRERO 21, 2020
ISRAEL

Inilabas ang Hebreong Kasulatan sa Isang Espesyal na Okasyon sa Israel

Inilabas ang Hebreong Kasulatan sa Isang Espesyal na Okasyon sa Israel

Isang pamilya na masayang nakatanggap ng kopya ng bagong salin

“May espesyal na regalo para sa inyo ang Lupong Tagapamahala,” ang sabi ni Brother Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, nang ilabas niya ang Bagong Sanlibutang Salin ng Hebreong Kasulatan sa modernong Hebrew. May kabuoang bilang na 2,125 dumalo sa espesyal na okasyong ito noong Enero 11, 2020, na ginanap sa Romema Arena sa Haifa, Israel.

Sinabi ni Brother David Simozrag, na nangangasiwa sa Public Information Desk sa Israel: “Tinatayang mahigit walong milyon ang nagsasalita ng Hebrew sa aming rehiyon. Naniniwala kaming ang Tanakh a sa modernong Hebrew ay malaking tulong sa aming komunidad.” Ang bagong saling ito ay isa sa iilang modernong salin na available sa mga nagsasalita ng Hebrew.

Ang buo o ilang bahagi ng Bagong Sanlibutang Salin ay available na ngayon sa 186 na wika. Gaya ng mga eskribang Masoretiko, sinikap ng Hebrew translation team na maisalin nang tumpak ang mensahe ng Bibliya. Tumagal ang pagsasalin nang mahigit tatlong taon. Sinabi ng isa sa mga tagapagsalin: “Maraming nagsasalita ng Hebrew ang kailangan pang tumingin sa mga komentaryo o sa mga salin sa ibang wika para maintindihan ang isang talata o ang buong Bibliya. Pero makakatulong ang saling ito para mas madaling maintindihan ng mga mambabasa ang ibig sabihin ng Kasulatan.”

Isang pamilya na ipinapakita ang bagong salin ng Hebreong Kasulatan sa modernong Hebrew

Sinabi ng isang brother: “Maraming dekada na hindi maintindihan ng mga mambabasa ang malaking bahagi ng Tanakh, pero ngayon, mas maiintindihan na nila ang mensahe nang malinaw at tumpak.” Siguradong magagamit ng 603 mamamahayag na nagsasalita ng wikang Hebrew, pati na ng mahigit 2,000 mamamahayag sa teritoryo ng sangay sa Israel, ang espesyal na regalong ito “para sumangguni sa Kautusan ni Jehova at sundin ito.”—Ezra 7:10.

a Ang Tanakh ay isang acronym mula sa tatlong dibisyon ng Hebreong Kasulatan. Sa Hebreo, ang Hebreong Kasulatan ay kadalasang nahahati sa tatlong grupo: ang Torah (Law), ang Nevi’im (Prophets), at ang Ketuvim (Writings). Iyan din ang ginawa sa modernong salin sa wikang Hebrew.