MAYO 10, 2022
ISRAEL
Kumpletong Bagong Sanlibutang Salin—Inilabas sa Makabagong Hebreo
Kamakailan, ipinaalam sa lahat ng kongregasyon na nagsasalita ng Hebreo sa teritoryo ng sangay sa Israel na ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa makabagong Hebreo ay puwede nang i-download sa elektronikong format simula Mayo 2, 2022. Makukuha ang inimprentang mga kopya sa Setyembre 2022.
Pinagsama ng edisyong ito ang salin ng Hebreong Kasulatan na inilabas noong 2020 at ang nirebisang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makukuha ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin sa makabagong Hebreo sa isang tomo. Ang salin ng Hebreong Kasulatan sa makabagong Hebreo ay tutulong sa mga mambabasa na maintindihan ang kahulugan ng sinaunang kasulatan na ipinasulat ng Diyos, na mahirap na ngayong maunawaan ng karamihan ng mga mambabasa.
Sinabi ng isang miyembro ng translation team: “Mahirap makakuha ang mga mambabasa namin ng mga salin ng Bibliya sa makabagong Hebreo, lalo na ang Hebreong Kasulatan. Kaya tuwang-tuwa kami na matanggap ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin na may maraming magagandang feature, lalo na ang maraming marginal reference, para mas madali naming maintindihan ang Bibliya.”
“Nagpapasalamat kami kay Jehova sa regalong ito,” ang sabi ng isa pang miyembro ng translation team. “Para sa mga Saksi ni Jehova at sa lahat ng mga taong nagsasalita ng Hebreo, makakatulong ito para mas madali tayong mapalapít sa Ama natin sa langit.”—Santiago 4:8.