OKTUBRE 23, 2019
ITALY
Bagong mga Gusali ng Bethel na Itinatayo sa Italy
Ang mga pasilidad ng sangay sa Italy ay ililipat mula Rome papunta sa mga lunsod ng Bologna at Imola. Ang Bologna ay mga 370 kilometro sa hilaga ng Rome, at ang Imola naman ay mga 48 kilometro mula sa Bologna. Nagsimula na ang pag-renovate sa siyam-na-palapag na gusali sa Bologna na magiging opisina para sa sangay. Pagsapit ng 2018, mahigit 60 boluntaryo sa Bethel na ang atas ay may kaugnayan sa pagsasalin ang nagsimula nang magtrabaho sa isang bagong renovate na gusali sa Imola.
Tungkol sa tuluyan ng mga Bethelite na lilipat sa Bologna, isang pitong-palapag na gusali na may tatlong level ng underground parking ang kasalukuyang itinatayo mga isa at kalahating kilometro ang layo mula sa gusali ng mga opisina. Magkakaroon pa ng ibang tuluyan sa lugar ding iyon.
Noong 1948, binili ng mga Saksi ni Jehova ang unang pasilidad ng sangay nila sa Rome at lumipat mula sa dati nilang pasilidad sa Milan. Mula noon, sumulong ang gawain sa Italy. Noong kalagitnaan ng dekada ’40, wala pang 200 ang mamamahayag sa bansa. Ngayon, mayroon nang mahigit 250,000 mamamahayag, ang pinakamalaking bilang sa alinmang sangay sa Europe. Habang dumarami ang bilang ng mamamahayag, dumarami din ang mga boluntaryo sa Bethel at ang mga pasilidad ng sangay. Sa peak nito noong 2006, ang tanggapang pansangay sa Italy ay nasa 99 na gusali. Kapag natapos na ang paglipat sa Bologna, mababawasan ang miyembro ng pamilyang Bethel ng sangay doon at magkakaroon na lang ito ng limang gusali.
Ipinapanalangin nating patuloy na pagpalain ni Jehova ang proyektong ito at makasuporta ang bagong mga pasilidad na ito sa gawain sa Italy, isang bukirin na “maputi na para sa pag-aani.”—Juan 4:35.