Pumunta sa nilalaman

Court of Appeals ng Rome

PEBRERO 7, 2020
ITALY

Itinaguyod ng Court of Appeals ng Rome ang Karapatan ng mga Magulang na Pumili ng Panggagamot Para sa Kanilang Anak

Itinaguyod ng Court of Appeals ng Rome ang Karapatan ng mga Magulang na Pumili ng Panggagamot Para sa Kanilang Anak

Noong Disyembre 17, 2019, binaligtad ng Court of Appeals ng Rome ang desisyon ng isang juvenile court sa bansa ring iyon na kunin sa isang sister ang anak niya dahil hindi siya pumayag na salinan ito ng dugo. Ibinalik ng Court of Appeals sa sister ang anak niya, at sinabi rin nito na wala siyang kasalanan. Ang desisyong ito ay mahalagang halimbawa para sa susunod pang mga kaso. Makakatulong ito para matiyak na hindi na kukunin sa mga magulang na Saksi ang kanilang anak kapag tumanggi silang pasalinan ang mga ito ng dugo.

Nagsimula ang kaso nang maaksidente sa sasakyan ang isang sister at ang kaniyang sampung-taóng-gulang na anak. Nasaktan ang bata at dinala sa ospital. Pagkalipas ng tatlong araw, iniskedyul ng mga doktor na operahan ang bata. Pumayag ang sister sa operasyon at sa iba pang panggagamot na gagawin sa anak niya, pero ipinaliwanag niya na hindi ito magpapasalin ng dugo. Kahit hindi naman nanganganib ang buhay ng bata, sumulat ang ospital sa isang prosecutor para isumbong ang desisyon ng sister dahil makakasamâ raw iyon sa bata. Inakusahan ng prosecutor ang sister na naging pabaya ito sa anak niya, at hiniling ng prosecutor sa juvenile court na pagbawalan ang sister na magdesisyon para sa bata. Sinang-ayunan ito ng juvenile court kahit na walang awtoridad ang korte na humatol sa kasong ito. Kaya umapela ang sister sa Court of Appeals.

Sinabi ng Court of Appeals na ang sister ay isang mabuting ina. Ipinaliwanag din ng korte na “hindi basehan ang pagtanggi niyang salinan ng dugo ang kaniyang anak, na batay sa relihiyosong paniniwala, para sabihing pabaya siyang ina.” Ibinalik ng korte ang karapatan ng sister bilang ina at sinabing labag sa batas ang desisyon ng juvenile court.

Sinabi ni Nicola Colaianni, dating councillor ng Supreme Court of Cassation at propesor ng ecclesiastical law sa University of Bari: “Sang-ayon ako sa desisyon ng Court of Appeals. Dismayado ako sa mga desisyong gaya ng ginawa ng juvenile court. Nahihirapan ang karamihan na magkaroon ng tunay na kalayaan sa relihiyon, at mas mahirap pa iyon para sa mga Saksi ni Jehova.”

Sinabi ni Brother Christian Di Blasio, na mula sa Public Information Desk sa Italy: “Nagpapasalamat kami sa Court of Appeals ng Rome sa pagbabaligtad sa isang desisyon na may pagtatangi sa relihiyon. Mahal na mahal ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga anak, at nagpapasalamat sila sa maraming mahuhusay na doktor na gumagalang sa aming Kristiyanong paniniwala.”

Pinagtibay ng hatol na ito na may karapatan ang mga kapatid natin na magdesisyon para sa kalusugan ng kanilang anak. Nagpapasalamat tayo sa Diyos na Jehova sa tagumpay na ito, na tutulong sa mga kapatid natin na magdesisyon ayon sa kanilang Kristiyanong paniniwala.—Awit 37:28.