HULYO 9, 2020
ITALY
Mga Saksi ni Jehova, Nakatulong sa Italy na Makapagtatag ng Batas Tungkol sa Pagtangging Magsundalo Dahil sa Relihiyosong Paniniwala
Gaya sa maraming bansa sa ngayon, kinikilala ng Italy ang karapatan ng mga mamamayan nito na tumangging magsundalo dahil sa relihiyosong paniniwala. Pero hindi laging ganiyan. Kinilala ng Italy ang karapatang iyon dahil sa malalaking sakripisyong ginawa ng mga Saksi ni Jehova doon.
Sa loob ng maraming taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, hiniling ng batas sa Italy na obligadong magsundalo ang mga lalaki. Noong 1946, pagkatapos na pagkatapos ng digmaan, 120 lang ang mga Saksi sa buong bansa. Pero habang dumarami ang nag-aalay ng kanilang buhay kay Jehova, dumarami din ang mga kabataang lalaking Saksi na tumatangging magsundalo dahil sa relihiyosong paniniwala. Ang pagtanggi nila ay batay sa mga prinsipyo sa Bibliya tungkol sa neutralidad, pag-iwas sa karahasan, at pag-ibig sa kapuwa.
Sa isang survey na ginawa kamakailan ng tanggapang pansangay sa Italy, di-bababa sa 14,180 brother, na ibinilanggo dahil tumanggi silang magsundalo, ang buháy pa. Ang mga kapatid na ito ay hinatulang mabilanggo sa kabuoan ng 9,732 taon, karamihan sa pagitan ng taóng 1965 at 1998.
Sinabi ng istoryador sa Turin, Italy, na si Sergio Albesano na mga Saksi ni Jehova “ang karamihan sa mga kabataang ibinilanggo dahil sa pagtangging magsundalo.” Sinabi pa niya na dahil sa paninindigan ng mga kabataang ito, “nalaman ng maraming tao sa Italy ang tungkol sa problema.”
Ang dating Prime Minister na si Giulio Andreotti, na naging minister of defense ng Italy noong 1959 hanggang 1966, ay nakipag-usap sa ilang Saksing nakabilanggo para maintindihan ang mga dahilan kung bakit sila tumatangging magsundalo. Sinabi niya nang maglaon: “Humanga ako sa [kanilang] matibay na relihiyosong paniniwala at pagtangging makibahagi sa politika; hindi nagkataon lang ang pagtanggi nilang magsundalo at magtiis ng pagkabilanggo sa loob ng maraming taon.”
Ang unang batas na nagpapahintulot sa mga mamamayan na tumangging magsundalo ay inaprobahan noong 1972. Pero kahit na pinayagan ng batas ang alternatibong serbisyong pansibilyan, nasa kontrol pa rin ito ng militar, na hindi katanggap-tanggap sa ating mga kapatid.
Sa wakas, noong Hulyo 8, 1998, ipinasa ng gobyerno ng Italy ang isang bagong batas ng alternatibong serbisyong pansibilyan na hindi kontrolado ng militar at na katanggap-tanggap sa mga Saksi ni Jehova. Noong Agosto 2004, gumawa ng batas ang Italy na nagpapawalang-bisa sa sapilitang paglilingkod sa militar. Ipinatupad ito noong Enero 2005.
Kabilang sa maraming eksperto na nagpapasalamat sa mga Saksi ni Jehova sa mga pangyayaring ito sa batas ng Italy ay si Sergio Lariccia, isang abogado at propesor tungkol sa batas sa Sapienza University of Rome. Sinabi niya: “Noon, sinasabi ng mga pari ng militar na ang pagtangging magsundalo ay ‘isang insulto sa bansa, wala itong kaugnayan sa utos sa mga Kristiyano na magpakita ng pag-ibig, at mga duwag lang ang gumagawa nito.’ Pero dahil sa paninindigan ng mga Saksi ni Jehova, nakatulong sila sa mga pagbabago ng mga batas at kaisipan ng mga tao sa Italy.”
Hindi lang nakatulong sa mga pagbabago ng mga batas sa Italy ang paninindigan ng ating mga kapatid. Ang ilang guwardiya sa bilangguan ay naging mga Saksi ni Jehova pagkatapos nilang makita ang paggawi ng mga bilanggong Saksi. Natatandaan ng isa sa kanila, si Giuseppe Serra: “Ang halimbawa ng mga kabataang Saksi na iyon ang nagpakilos sa akin . . . na mag-aral ng Bibliya.” Naging Saksi siya noong 1972. (Tingnan ang kahon sa ibaba.)
Natutuwa tayo sa halimbawa at lakas ng loob ng ating mga kapatid at ng mga pamilya nila sa Italy, pati na ang marami pa nating mga kapatid sa buong mundo, na sinusunod ang utos na huwag “mag-aaral ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.