Pumunta sa nilalaman

(Kaliwa) Hawak ng isang pamilya ang mga sign na may nakakapagpatibay na mensahe at teksto para sa mga kakongregasyon nila. (Kanan sa itaas) Isang payunir na sister na nagba-Bible study gamit ang videoconference. (Kanan sa ibaba) Isang pamilya na nagpupulong gamit ang isang videoconferencing app

ABRIL 9, 2020
ITALY

Nananatiling Malakas sa Espirituwal ang mga Kapatid sa Italy sa Panahon ng Pandemic

Nananatiling Malakas sa Espirituwal ang mga Kapatid sa Italy sa Panahon ng Pandemic

Isa ang Italy sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19. Sa ilalim ng patnubay ng Lupong Tagapamahala, nagbibigay ang tanggapang pansangay sa Italy ng praktikal at espirituwal na tulong sa mga kapatid.

Tatlong Disaster Relief Committee (DRC) ang nag-aasikaso sa pangangailangan ng mga kapatid sa hilaga, gitna, at timog ng Italy. Updated ang mga DRC sa pangangailangan ng mga kapatid sa tulong ng mga tagapangasiwa ng sirkito, na nakakatanggap ng impormasyon mula sa mga elder.

Bukod sa pagbibigay ng praktikal na tulong, gumagawa rin ang mga elder ng paraan para mapanatili ng mga kapatid ang espirituwal na rutin nila. Si Brother Villiam Boselli, isang tagapangasiwa ng sirkito na naglilingkod malapit sa Milan, na isa sa mga unang lunsod na naapektuhan ng pandemic, ang nagsabi: “Kahit na nasa bahay lang ang mga kapatid, may komunikasyon pa rin sila sa isa’t isa. At sa mga pulong na naka-videoconference, nakakapagkomento sila at napapatibay nila ang isa’t isa. Kahit ang mga may-edad na kapatid ay nakikinabang sa mga pulong na naka-videoconference. Sa tingin ko, mas malapít na ang mga kapatid sa isa’t isa!”

Marami ring di-Saksi ang nakakanood ng mga pulong kasama ng mga kapamilya nilang Saksi. Sinabi ng isang sister: “Ayaw dumalo ng asawa ko, pero ngayon, napapanood na niya sa bahay ang mga pulong. At alam n’yo ba? Nag-e-enjoy siya!”

Sinasamantala ng mga kapatid ang lahat ng pagkakataon para mangaral. Halimbawa, nagda-drive ang isang sister para magdala ng wheelchair sa bahay ng isang may-edad na kapatid nang pahintuin siya ng tatlong pulis sa isang checkpoint. Ipinaliwanag ng sister na tutulungan niya ang isang may-edad, at ipinakita niya sa kanila ang pass niya. Binigyan niya silang tatlo ng mga tract na Ano Kaya ang Mangyayari sa Hinaharap? at Matatapos Pa Ba ang Pagdurusa? Tinanggap iyon ng mga pulis. Nang pauwi na ang sister, pinahinto ulit siya ng mga pulis. Ngayon naman, para pasalamatan siya at tanungin tungkol sa pag-asang mababasa sa Bibliya. Tinawag din nila ang dalawa pa nilang kasamahan para sumali sa usapan. Ipinakita sa kanila ng sister ang jw.org. Sinabi sa kaniya ng isang pulis, “Maraming salamat, ma’am, napasaya mo kami!”

Sinabi ni Brother Boselli: “Kahit na ako ang dapat na nagpapatibay sa mga kapatid, ako ang napapatibay sa mga pagsisikap nilang patuloy na sumamba kay Jehova. Naluluha ako kapag nakikita ko kung gaano nila kamahal si Jehova. Regalo sila ni Jehova sa amin!”

Malinaw, kahit na mahirap ang kalagayan, nananatiling malakas sa espirituwal ang mga kapatid at hindi sila ‘nanghihina dahil sa paghihirap na ito.’—1 Tesalonica 3:2, 3.