Pumunta sa nilalaman

Isa sa mga bagong residential building sa sangay ng Italy sa Bologna. Mayroon itong 41 na apartment. Nagsimula silang lumipat noong Setyembre 5, 2020

NOBYEMBRE 16, 2020
ITALY

Patuloy Pa Rin ang Paglipat ng Sangay ng Italy Kahit May mga Problema

Patuloy Pa Rin ang Paglipat ng Sangay ng Italy Kahit May mga Problema

Kahit na may krisis sa ekonomiya at may banta sa kalusugan, tuloy-tuloy pa rin ang paglipat ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Bologna, Italy. Espesyal ang araw na Setyembre 5, 2020, kasi natapos ang pagtatayo sa unang residential building. Planong matapos ang bagong sangay sa dulo ng 2023.

Pinapangasiwaan ng Construction Project Committee (CPC), na binubuo ng limang brother, ang gawaing pagtatayo. Nangontrata sila ng isang kompanya para i-design at itayo ang residential building na ito, at nagsimula sila noong Setyembre 2018.

Noong 2019, nagkaroon ng matinding krisis sa ekonomiya na nakaapekto sa mga kompanya. Dahil dito, itinigil muna ng kompanya ang pagtatayo at kinailangan na magplano ulit. Buti na lang, naitayo na ang structure ng residence building, kaya hindi masyadong matagal na nahinto ang proyekto.

Sa loob ng isang apartment

Noong simula ng 2020, kumalat ang COVID-19 sa hilagang bahagi ng Italy, pati na sa Bologna. Sinuspende ng gobyerno ang maraming gawain sa lunsod, kasama na ang mga proyekto ng pagtatayo. Pero pagkalipas lang ng isang buwan, inalis na ng mga awtoridad ang ilang restriksiyon. Puwede na ulit ipagpatuloy ang pagtatayo habang sumusunod sa mga tagubilin ng gobyerno at sa mga safety protocol ng ating organisasyon tungkol sa COVID-19.

Sinabi ni Brother Paolo Comparato, miyembro ng CPC: “Salamat kay Jehova at natapos na ang isang building. Kung wala ang tulong ng espiritu niya, hindi namin malalampasan ang mga problemang humadlang sa amin.”

Ganito ang komento ni Mrs. Cristina Dallacasa, chairman ng kompanya na nag-asikaso sa proyekto: “Natutuwa kami na pinili kami ng mga Saksi ni Jehova para itayo ang isa sa mga building nila sa Italy. Nagtutulungan kami, kaya mas nakayanan namin ang mga hamon sa pagtatayo. Sineseryoso ng mga Saksi ni Jehova ang mga proyekto nila, at pinakamahalaga sa kanila ang safety habang nagtatrabaho sa site.” Idinagdag pa niya: “Masaya ako na makatrabaho ang mga taong tapat at maaasahan. Sa panahong ito ng krisis sa ekonomiya, nakaka-encourage ito.”

Nagtitiwala tayo na susuportahan ni Jehova ang proyektong ito para magbigay ng karangalan sa pangalan niya.—Awit 127:1.