Pumunta sa nilalaman

Ang Court of Appeals sa Milan, Italy

NOBYEMBRE 12, 2020
ITALY

Sinuportahan ng Isang Korte sa Italy ang Karapatan ng mga Saksing Magulang na Pumili ng Paraan ng Paggamot sa Kanilang Anak

Sinuportahan ng Isang Korte sa Italy ang Karapatan ng mga Saksing Magulang na Pumili ng Paraan ng Paggamot sa Kanilang Anak

Nagbaba ang Court of Appeals sa Milan, Italy, ng desisyon na pabor sa isang mag-asawang Saksi ni Jehova tungkol sa kaso may kinalaman sa paraan ng paggamot sa kanilang anak. Nakatulong ang hatol na ito para idiin na hindi puwedeng kuwestiyunin ng mga korte ang kakayahan ng mga magulang na magdesisyon para sa mga anak nila dahil lang pinili nila ang paggamot na walang dugo base sa kanilang relihiyosong paniniwala.

Noong Setyembre 2019, isinugod ng isang mag-asawang Saksi sa ospital ang kanilang anak na 10 buwan pa lang dahil nahulog ito at nabagok. Sinabi ng mga doktor na kailangan siyang operahan. Maayos na natapos ang operasyon nang hindi kinailangan ng pagsasalin ng dugo.

Noong pagaling na ang bata, humingi ng pahintulot ang doktor sa mga magulang nito na salinan ito ng dugo para sa “supportive therapy.” Hiniling ng mga magulang na gumamit na lang ng mga alternatibong paraan na ginagamit na rin ng karamihan.

Imbes na irespeto ang kahilingan ng mga magulang, inireport sila ng doktor sa pulis at sa prosecutor. Humingi ang prosecutor ng desisyon mula sa isang family court. Nilimitahan ng desisyong ito ang legal na karapatan ng mga magulang at ibinigay sa direktor ng ospital ang karapatang pumili ng paggamot para sa bata. Pero hindi rin sinalinan ng dugo ang bata dahil nakita ng mga doktor na hindi ito kailangan.

Umabot sa media ang balita tungkol sa pangyayaring ito. Maraming reporter ang nagbigay ng maling report sa pangyayari at sinabing naligtas ang bata dahil sa pagsasalin ng dugo na iniutos ng korte.

Noong Setyembre 10, 2020, kinansela ng Court of Appeals ang desisyon ng family court na limitahan ang legal na karapatan ng mga magulang. Ipinahiwatig ng Court of Appeals na hindi dapat naglabas ng desisyon ang family court at na wala rin itong awtoridad na humatol sa kaso.

Ayon sa desisyon ng Court of Appeals sa Milan: “Hindi puwedeng maging basehan ang pagtanggi ng mga magulang na magpasalin ng dugo dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala para hatulan sila na wala silang kakayahang magdesisyon para sa anak nila.” Nitong nakaraang taon pa lang, tatlong Court of Appeals sa Italy ang kumilala sa karapatan ng mga magulang na Saksi na humiling ng paggamot na walang kasamang dugo para sa kanilang mga anak.

Kailangang malaman ng mga awtoridad sa larangan ng batas at medisina na hindi naniniwala ang mga Saksi sa faith healing at na hindi naman sila kontra sa pagpapagamot. Ang totoo, naghahanap sila ng pinakamahusay na paraan ng paggamot na available sa mga ospital sa ngayon. Ang hinihiling lang nila ay gamutin sila nang hindi sinasalinan ng dugo. Sa buong mundo, maraming doktor sa malalaking ospital ang naghahanap ng mga paraan ng paggamot na hindi gumagamit ng dugo.

Masaya tayo na sinusuportahan ng mga desisyong ito sa korte ang paninindigan ng mga kapatid natin na pumili ng tamang paggamot para sa kanilang mga anak.—Gawa 15:29.