Pumunta sa nilalaman

Ang Palace of Justice sa Rome, kung saan naroon ang Supreme Court of Cassation ng Italy

OKTUBRE 1, 2019
ITALY

Sinuportahan ng Korte Suprema ng Italy ang Pantay na Karapatan ng mga Magulang sa Pagtuturo ng Relihiyon sa mga Bata

Sinuportahan ng Korte Suprema ng Italy ang Pantay na Karapatan ng mga Magulang sa Pagtuturo ng Relihiyon sa mga Bata

Noong Agosto 30, 2019, inilabas ng Supreme Court of Cassation sa Rome ang mahalagang desisyon tungkol sa kustodiya ng bata at karapatan ng mga magulang. Ang desisyong ito ng pinakamataas na hukuman sa Italy ay nagbibigay ng karapatan sa ina, na isang Saksi ni Jehova, na ituro ang kaniyang relihiyosong mga paniniwala sa menor-de-edad niyang anak.

Ipinipilit naman ng di-Saksing ama, na hiwalay sa ina ng bata, na ang relihiyosong mga paniniwala lang niya ang dapat ituro dito. Dalawang mababang hukuman ang pabor sa ama, na nagsasabing ang pagtuturo ng ibang relihiyon sa bata ay puwedeng “makalito rito.” Ang mga desisyong ito ay nakapigil sa ina na ituro ang kaniyang relihiyosong mga paniniwala sa anak niya, kahit karapatan niya rin ito. Pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang desisyon ng mabababang hukuman at tiniyak na parehong may karapatan ang mga magulang na ituro sa anak nila ang kanilang paniniwala. Sinabi rin ng Korte na dapat igalang ng batas ang lahat ng relihiyon, at kinondena nito ang “pagtatangi” ng mabababang hukuman sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi rin nito na kapag hindi nagkasundo ang mga magulang sa pagtuturo sa mga anak nila tungkol sa relihiyon, walang karapatan ang hukom na magdesisyon kung anong relihiyon ang mas makakabuti sa bata.

Umaasa tayong ang desisyong ito ng Korte Suprema sa Italy ay magiging saligan ng mga desisyon may kinalaman sa kaso ng kustodiya sa hinaharap sa bansang ito. Tiyak na makikinabang ang mga magulang na nagsisikap na palakihin ang mga anak nila “sa disiplina at patnubay ni Jehova.”​—Efeso 6:4.