PEBRERO 9, 2021
ITALY
Supreme Court of Cassation ng Italy, Pinaboran ang mga Saksi ni Jehova sa Kaso May Kaugnayan sa Medikal na Paggagamot
Pinaboran ng Supreme Court of Cassation ng Italy ang isang Saksi ni Jehova sa kaso tungkol sa karapatan ng pasyente na magdesisyon pagdating sa medikal na paggagamot. Noong Disyembre 23, 2020, sumang-ayon ang Supreme Court na may karapatan ang lahat ng pasyente na magdesisyon pagdating sa medikal na pangangalaga, kasama na ang karapatang pumili ng epektibong therapy na hindi labag sa paniniwala nila.
Ang kaso ay may kaugnayan sa nangyari noong 2005, kung saan nilabag ng mga doktor ang karapatan ng isa nating kapatid. Bago ang operasyon, malinaw na sinabi ng sister na hindi siya magpapasalin ng dugo. Sa katunayan, nagbigay pa siya ng Advance Medical Directive card tungkol dito. Pero binale-wala ito ng mga doktor at ilang beses siyang sinalinan ng dugo.
Kinikilala ng Korte na ang pagtangging magpasalin ng dugo “ay hindi basta personal na desisyon may kaugnayan sa paraan ng paggagamot, kundi isang anyo ng pagtanggi udyok ng konsensiya, dahil sa mga relihiyosong paniniwala.” Sinabi ng Korte na ang kalayaang ito ay “sagradong karapatan, na ‘lubusang’ pinoprotektahan ng Konstitusyon.”
Ang desisyong ito ang pinakahuli sa 10 naipanalong kaso ng mga Saksi ni Jehova sa Supreme Court of Cassation ng Italy mula noong 2015. Sa bawat kaso, pinaboran ng Korte ang mahahalagang aspekto ng ating kalayaan sa relihiyon. Ang mga kaso ay tungkol sa sumusunod:
Pagtangging magpasalin ng dugo: Gusto ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamabuting paraan ng medikal na pangangalaga na mayroon, at tinatanggap nila ang karamihan sa mga paraan ng paggagamot. Sang-ayon ang mga korte na ang mga pasyenteng Saksi ay malayang makapili ng medikal na paggagamot batay sa kanilang konsensiyang sinanay sa Bibliya. Dapat igalang ng mga doktor ang desisyon ng pasyente na hindi magpasalin ng dugo. May karapatan ang pasyente na magdesisyon batay sa mga relihiyosong paniniwala niya.
Kustodiya sa bata: Gaya ng mga di-Saksing magulang, may karapatan ang mga magulang na Saksi na ituro sa kanilang mga anak ang mga relihiyosong paniniwala nila.
Pagtitiwalag: Nakikitungo nang patas ang mga Saksi ni Jehova sa mga natiwalag na indibidwal. Malaya ang mga Saksi na tumangging makisama sa isang natiwalag sa kanilang kongregasyon at ito ay kalayaan sa relihiyon na dapat irespeto ng iba.
Buwis: Ang mga Saksi ni Jehova ay nagbabayad ng buwis. Mayroon silang mga karapatan tungkol sa pagbubuwis at mga tax exemption para sa mga lugar ng pagsamba na kapareho ng iba pang mga relihiyon sa Italy.
Natutuwa tayo kapag ang mga sekular na awtoridad ay gumagawa ng mga desisyong nagpapatibay sa karapatan at kalayaang sumamba ng mga Saksi ni Jehova.—Kawikaan 21:1.