HUNYO 27, 2019
ITALY
Mga Doktor sa Dalawang Malaking Komperensiya sa Italy, Interesado sa Paggamot Nang Walang Pagsasalin ng Dugo
Maraming doktor ang nagpasalamat sa kaayusang sinimulan ng ating organisasyon para makapagbigay ng impormasyon tungkol sa paggamot at pag-oopera nang walang pagsasalin ng dugo. Bahagi ng pandaigdig na kaayusang ito ang Hospital Information Services (Italy), na nasa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Rome. Noong nakaraang taon, nagsaayos ang mga kinatawan ng Hospital Information Services (Italy) at mga miyembro ng Hospital Liaison Committee ng isang information booth sa National Congress of the Italian Society of Anesthesia, Analgesia, Resuscitation, and Intensive Care (SIAARTI), na ginanap noong Oktubre 10 hanggang 13, 2018, sa Palermo, Sicily. Pagkatapos ng komperensiyang iyon, ang mga kapatid ay naglagay din ng booth sa Joint Congress of the Scientific Societies of Surgery na ginanap sa “La Nuvola” Convention Center sa Rome.
Ang mga komperensiyang iyon ay nagbukas sa atin ng pagkakataon na makapagbigay ng pinakabagong impormasyon tungkol sa paggamot nang walang pagsasalin ng dugo sa maraming interesadong propesyonal sa larangan ng medisina. Dinaluhan ng 2,800 anesthesiologist ang komperensiya sa Palermo. Ang komperensiya sa Rome, na itinuturing na pinakamalaking komperensiya ng mga surgeon na ginanap sa Italy, ay dinaluhan ng 3,500 surgeon. Naroon din ang mga kinatawan ng iba’t ibang iginagalang na mga institusyon sa medisina. Kabilang dito ang mga miyembro ng bawat samahan ng mga surgeon sa Italy at ng Italy Chapter of the American College of Surgeons. Suportado ito ng ilang institusyon sa bansa, gaya ng Ministry of Health.
Pinuntahan ng anesthesiologist na si Vincenzo Scuderi, mula sa Policlinico Hospital ng Catania sa Sicily, ang ating booth sa komperensiya sa Palermo. Noong Enero 18, 2019, inoperahan niya ang isang pasyenteng Saksi na may sakit sa puso. Naisagawa niya ang mahirap na operasyong ito nang walang pagsasalin ng dugo. Ganito ang sinabi ni Dr. Scuderi: “Malaki ang naitulong ng [booth ninyo] sa SIAARTI 2018 Congress. Nakatulong sa amin ang mga dokumento na ibinigay ninyo sa amin.”
Sa kasalukuyan, mahigit 5,000 doktor sa Italy ang nakikipagtulungan sa mga pasyenteng Saksi ni Jehova para magamot o maoperahan ang mga ito nang walang pagsasalin ng dugo. Taon-taon sa Italy, mga 16,000 pasyenteng Saksi ang ginagamot sa ganitong paraan.