DISYEMBRE 2, 2016
ITALY
Mga Opisyal sa Italy, Naglaan ng Lugar Para sa “Kingdom Hall” sa Kapakinabangan ng mga Bilanggo
ROME—Dahil sa positibong resulta ng serbisyo ng mga Saksi ni Jehova sa komunidad, ang mga opisyal ng isang bilangguan sa bayan ng Bollate, na 15 kilometro (10 mi) sa hilaga ng Milan, ay naglaan ng isang malaking kuwarto para lang sa mga Saksi ni Jehova. Gagamitin nila ito bilang “Kingdom Hall,” o lugar ng pagsamba.
Ipinaliwanag ng prison director na si Dr. Massimo Parisi na itinayo ang Bollate prison para tulungang magbagong-buhay ang mga bilanggo. Sinabi niya: “Isa sa mga layunin namin ay tiyaking magkaroon muli ng pag-asa ang mga bilanggo, at para magawa iyan, iba’t ibang pamamaraan ang ginagamit namin. Alam naming ang pagkatuto tungkol sa Diyos ay kasinghalaga ng ibang pamamaraan.” Sa nakalipas na 13 taon, pinahintulutan ang mga Saksi ni Jehova na mag-alok sa mga bilanggo ng libreng pag-aaral sa Bibliya. Ganito ang sabi ni Dr. Parisi tungkol sa mga resulta: “Ilang taon nang nakikipagtulungan sa amin ang mga Saksi at ang pagsisikap nilang magturo ng Bibliya ay nagbunga ng positibong mga pagbabago sa ilang bilanggo namin. . . . Dahil diyan, naisip namin na magandang ideya na maglaan ng isang lugar na magagamit ng mga Saksi para tulungan ang mga bilanggo na lubusang magbago.” Sa nakalipas na ilang buwan, dalawang beses na mahigit 100 bilanggo ang dumalo sa pulong ng mga Saksi.
Sinabi ni Christian Di Blasio, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Italy: “Natutuwa kami na nagkusa ang mga opisyal ng bilangguan sa Bollate na tulungan kami sa pamamagitan ng paglalaan ng lugar ng pagsamba na ito sa loob ng bilangguan. Umaasa kami na patuloy kaming magtutulungan para makinabang ang mga bilanggo mula sa aming programa ng pagtuturo sa Bibliya na tugma sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan.”
Media Contacts:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, 1-718-560-5000
Italy: Christian Di Blasio, 39-06-872941