OKTUBRE 21, 2016
ITALY
Kampanya ng mga Saksi Nag-alok ng Tulong Pagkatapos ng Lindol sa Italy
ROME—Noong Setyembre 2016, ipinamahagi ng mga Saksi ni Jehova ang isyu ng magasing Bantayan na may kinalaman sa tulong. Nakapokus ang pandaigdig na kampanya ng mga Saksi sa seryeng itinatampok sa pabalat nito, “Saan Ka Makakakuha ng Tulong?” Pantanging nag-aalok ng tulong mula sa Bibliya ang mga Saksi sa central Italy, kung saan isang magnitude 6.2 na lindol ang yumanig sa mga rehiyon ng Lazio, Marche, at Umbria noong Agosto 24, 2016. Halos 300 katao ang namatay at mahigit 2,000 ang inilikas.
Sinabi ni Christian Di Blasio, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Italy: “Ang pandaigdig na kampanyang ito ay dinisenyo para mag-alok ng tulong sa mga tao sa lahat ng bansa at kalagayan, pero dito sa Italy, partikular kaming interesado sa mga problemang kinakaharap ng mga biktima ng lindol, at ng mga tumutulong sa relief work.”
May 15 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lugar ng sakuna, pero walang Saksing namatay o malubhang nasugatan. Tatlong bahay ng mga Saksi ang nawasak, at ang iba ay napinsala. Sinabi ni Mr. Di Blasio na ang ilan sa mga Saksing nasira ang tahanan ay nagboluntaryong mag-alok ng tulong sa kanilang mga kapitbahay gamit ang magasin. Nakipag-usap din sa mga biktima ang mga Saksi na nakaligtas sa naunang lindol. Ayon kay Mr. Di Blasio: “Sinabi ng mga boluntaryo na napatibay sila at naaliw sa mensahe ng Bibliya kung kaya gusto nilang gawin ang kanilang buong makakaya para ibahagi ang mensaheng ito sa mga nagdurusang miyembro ng komunidad.”
Media Contacts:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, 1-718-560-5000
Italy: Christian Di Blasio, 39-06-872941