Pumunta sa nilalaman

Ang Palace of Justice sa Rome na kinaroroonan ng Supreme Court of Cassation sa Italy

HULYO 18, 2019
ITALY

Sinuportahan ng Korte Suprema ng Italy ang Karapatan ng mga Saksi ni Jehova Tungkol sa Pagpapagamot

Sinuportahan ng Korte Suprema ng Italy ang Karapatan ng mga Saksi ni Jehova Tungkol sa Pagpapagamot

Noong Mayo 15, 2019, sinuportahan ng Supreme Court of Cassation, pinakamataas na korte sa Italy, ang karapatan ng ating mga kapatid na magdesisyon para sa sarili nilang pagpapagamot. Pinagtibay ng Korte na may karapatan ang pasyente na pumili ng health-care agent na susuporta sa desisyon niyang hindi magpasalin ng dugo. Pinagtibay rin ng Korte na pinapayagan ng batas sa Italy ang isang pasyente na pumili ng health-care agent, kahit na posible siyang mawalan nang malay o hindi na makapagsalita.

Sina Brother at Sister Cappelli

Ang desisyon ay resulta ng sunod-sunod na kaso may kaugnayan kay Brother Luca Cappelli, isang elder sa kongregasyon. Sa nakalipas na 25 taon, pinapahirapan siya ng isang sakit sa mga ugat sa utak. Dahil sa kondisyon ni Brother Cappelli, kailangan niyang dumaan sa maraming procedure, na kung minsan, makakaapekto sa kakayahan niyang magsalita. Kaya bago ang mga ito, nag-fill out siya ng Advance Medical Directive at pinili niya ang asawa niya, si Francesca, bilang health-care agent. Pero may isang judge at court of appeal na hindi pumayag sa pagpili niya sa asawa niya bilang health-care agent. Kaya hindi na makakasigurado si Brother Cappelli na hindi nga siya masasalinan ng dugo.

Ang kaso ni Brother Cappelli ay idinulog sa Supreme Court of Cassation noong Pebrero 16, 2017. Ayon sa hatol ng Korte Suprema, nilabag ng mabababang hukuman ang Italian Constitution at ang European Convention of Human Rights na sumusuporta sa karapatan ng pasyente na gumawa ng sariling desisyon. Kapansin-pansin din na sinabi ng Korte na mas dapat protektahan at garantiyahan ang karapatan ng pasyenteng tumanggi sa isang panggagamot kung ito ay dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala. Dahil sa pasiyang ito ng Korte Suprema, mas kailangan nang igalang ng mga korte sa Italy ang desisyon ng mga kapatid na hindi magpasalin ng dugo.

Nagsasaya tayong lahat dahil pinrotektahan ng Korte Suprema ang karapatan ng ating mga kapatid sa Italy, na patuloy na sumusunod sa kanilang konsensiyang sinanay sa Bibliya may kinalaman sa paggamit ng dugo.​—Gawa 15:29.