OKTUBRE 4, 2022
JAPAN
Limampung Taon ng Pag-iimprenta sa Sangay sa Japan
Ika-50 taon na ng pag-iimprenta sa sangay sa Japan ngayong 2022.
Biglang dumami ang mga Saksi ni Jehova sa Japan noong mga 1950’s at 1960’s dahil sa masigasig na pangangaral ng mga kapatid doon kasama ng mga 70 misyonero. Kaya para magkaroon ng sapat na mga publikasyong batay sa Bibliya sa wikang Japanese, napagpasiyahan na mag-iimprenta na ang sangay sa Japan ng mga magasing Bantayan at Gumising!
Sa “Peace on Earth” na Internasyonal na Asamblea sa Tokyo noong Oktubre 1969, binanggit ni Brother Nathan H. Knorr na magtatayo ng bagong sangay na may mga pasilidad para sa pag-iimprenta sa Numazu na malapit sa Mount Fuji.
Nagsimula ang pagtatayo noong Enero 1972. Noong Agosto 15, 1972, nailagay na ang 40-toneladang web rotary letterpress, at ang mga equipment para sa plate-making, stitching, at trimming. Ang unang naimprentang magasin dito ay ang isyu ng Oktubre 8, 1972 ng Gumising! sa wikang Japanese. Sinabi ng dating operator ng printing press, “Naiiyak ako noon sa tuwa pagkakita ko sa mga kahon na puno ng mga bagong-imprentang magasin na naka-ready nang ipadala sa iba’t ibang lugar.”
Noong 1982, inilipat ang sangay sa bagong-tayong mga pasilidad ng Bethel sa Ebina. Mas malaki ito nang tatlong beses sa pasilidad sa Numazu, at mga offset press at high-speed bindery equipment ang gamit dito. Bukod sa magasing Bantayan at Gumising!, nag-imprenta na rin dito ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan pati na ng mga literaturang salig sa Bibliya sa mahigit 200 wika.
Ngayon, nag-iimprenta ang Japan Printery ng 13.2 milyong kopya ng Ang Bantayan at Gumising! buwan-buwan. Mula noong 2013, nakapag-imprenta na ng mahigit 20 milyong kopya ng Bibliya sa mahigit 100 wika at naipadala na ito sa mahigit 50 bansa sa buong mundo!
Noong 1972, nasa 13,000 ang mga Saksi ni Jehova sa Japan. Makalipas ang 50 taon, nitong 2022, umabot na sa mahigit 213,000 ang mamamahayag dito. Masayang-masaya tayong makita kung paano nakakatulong ang Printery sa gawaing pang-Kaharian sa Japan at sa buong mundo.—Mateo 28:19, 20.