Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 10, 2018
JAPAN

Trami: Bagyong Sumalanta sa Japan Kamakailan

Trami: Bagyong Sumalanta sa Japan Kamakailan

Sinalanta ng Category 1 na Bagyong Trami ang gawing timog ng Japan noong Setyembre 30, 2018, Linggo ng gabi. May dala itong malakas na hangin at ulan. Humina ang bagyo habang papunta ito sa hilaga noong weekend, at umabot ito sa Tokyo noong Lunes, Oktubre 1. Tatlo ang namatay, mga 200 ang sugatán, at mahigit 1.3 milyong bahay ang nawalan ng kuryente.

Ayon sa report ng mga tagapangasiwa ng sirkito, ang isla ng Okinawa, sa gawing timog ng Japan, ang pinakaapektado. Lumalabas sa unang imbestigasyon ng tatlong sirkito sa Okinawa at sa kalapít na mga lugar na walang kapatid ang namatay, pero siyam ang nasugatan. Napinsala rin ng bagyo ang mga 120 bahay ng mga kapatid at ang 5 Kingdom Hall sa isla ng Okinawa. At 41 Kingdom Hall pa ang nasira nang manalasa ang bagyo sa iba pang rehiyon ng Japan.

Patuloy na inaalam ng mga tagapangasiwa ng sirkito roon at ng mga miyembro ng Local Design/Construction Department ang laki ng nagawang pinsala ng bagyo. Nag-oorganisa rin sila ng relief effort para makapagbigay ng espirituwal at materyal na tulong sa mga biktima.

Patuloy nating ipanalangin ang ating mga kapananampalataya na naapektuhan ng bagyo at ng iba pang kalamidad na sumalanta sa Japan kamakailan. Nagtitiwala tayo na patuloy na patitibayin at patatatagin ng ating Ama sa langit ang ating mga kapatid.—2 Tesalonica 2:17.