Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 26, 2014
JAPAN

Mga Saksi Tumulong sa mga Biktima ng Mudslide sa Hiroshima

Mga Saksi Tumulong sa mga Biktima ng Mudslide sa Hiroshima

EBINA, Japan—Dahil sa malakas na pag-ulan sa Hiroshima na nagdulot ng matitinding landslide, mga 74 katao ang namatay at mahigit 1,600 ang lumikas noong umaga ng Agosto 20, 2014. Iniulat ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Japan na walang Saksing namatay o nasugatan, pero walong tahanan ng mga Saksi ang nasira.

Loob ng isang nasirang bahay sa Hiroshima.

Mga 218 milimetro ng ulan ang bumuhos sa loob lang ng tatlong oras, na nagdulot ng matinding pinsala kung kaya naglunsad ang gobyerno ng malawakang programa ng pagsagip. Agad na bumuo ng isang disaster relief committee ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Japan at nag-organisa ng mga boluntaryong Saksi na tutulong sa paglilinis. Ang mga tagapaglinis ay bumuo ng mga pangkat na nakahanay at pasa-pasang naghakot ng putik at buhangin mula sa mga bahay. Matapos itabi ang mga gamit sa bahay na puwede pang mapakinabangan, dinisimpekta rin ng mga boluntaryo ang mga lugar na nilinis.

Inaalis ng mga Saksi ang putik at burak mula sa isang gusali.

Iniulat ng pambansang pahayagang Yomiuri Shimbun ang ginawa ng isang Saksi ni Jehova na nakaligtas. Sinabi ng pahayagan na si Kayoko Nakamizo, nakatira sa Yagi district ng Asaminami Ward, ay nakalabas ng kaniyang bahay at “kinatok ang bawat pintuan para matiyak na ligtas ang mga nakatira doon.” Dahil dito, nailigtas ni Kayoko ang isang kapitbahay at natulungan ang iba na makaalis sa lugar ng sakuna.

Sinabi ni Ichiki Matsunaga, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Japan: “Nakikiramay kami sa mga naapektuhan ng mudslide. Sa kabila ng mahirap na kalagayan, nananatili kaming positibo habang ginagawa namin ang aming buong makakaya para magbigay ng praktikal na tulong at kaaliwan sa aming kapuwa.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Japan: Ichiki Matsunaga, tel. +81 46 233 0005