ENERO 27, 2015
KAZAKHSTAN
Itinampok ng mga Saksi ang Bagong Bibliya sa Wikang Kazakh
ALMATY, Kazakhstan—Ang New World Translation of the Holy Scriptures sa wikang Kazakh ay inilabas sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong Setyembre 26-28, 2014. Nakatanggap ng bagong Bibliya ang lahat ng 3,721 na dumalo.
Tungkol sa New World Translation sa wikang Kazakh, sinabi ni Dr. Alexander Garkavets, dalubhasa sa mga wikang Turkic: “Sa kabila ng limitadong mga reperensiya sa pagsasalin ng mga banal na akda tungo sa wikang Kazakh, mahusay ang ginawa ng mga Saksing tagapagsalin. Talagang kahanga-hanga ang ginamit nilang mga bagong paraan ng pagtatawid ng mga ideya mula sa orihinal na wika tungo sa wikang Kazakh. Makikita sa New World Translation ang makabagong wikang Kazakh, kaya naman madali itong maintindihan ng lahat.”
Noong Oktubre 3, isang linggo pagkatapos ng kombensiyon, isang open house ang ginanap sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Kazakhstan. Itinampok dito ang bagong Bibliya sa wikang Kazakh. Tungkol dito, iniulat ng news agency na Radio Azattyq sa Kazakhstan: “Ang center ay binisita ng mga opisyal ng Akimat (state regional administration) mula sa lunsod ng Almaty, na pinangunahan ng head ng Department of Religious Affairs na si Mr. Nurzhan Zhaparkul, mga kinatawan ng mga embahada, mga eksperto sa pag-aaral tungkol sa relihiyon, at iba pa.” Ayon kay Mr. Zhaparkul: “Malugod kaming tinanggap ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang center sa Almaty. Kahanga-hanga ang ginawa nilang ito at talagang nakakatulong ito sa trabaho namin.”
Si Polat Bekzhan, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Kazakhstan, ay nagsabi: “Napakasaya namin sa naging tugon sa aming kombensiyon ngayong taon at sa magandang pagtanggap sa Bibliyang Kazakh ng dumaraming bilang ng mga taong nagsasalita ng Kazakh. Naabot din namin ang aming tunguhin sa pagsasaayos ng open house, anupat nabigyan ang mga opisyal ng gobyerno, media, at ang mga nasa palibot ng aming pasilidad ng oportunidad na mas makilala ang mga Saksi ni Jehova.”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Kazakhstan: Polat Bekzhan, tel. +7 727 232 36 62