Pumunta sa nilalaman

MAYO 3, 2017
KAZAKHSTAN

Binale-wala ng Kazakhstan ang Kalayaan sa Pagsamba at Ibinilanggo si Teymur Akhmedov

Binale-wala ng Kazakhstan ang Kalayaan sa Pagsamba at Ibinilanggo si Teymur Akhmedov

Noong Mayo 2, 2017, sinentensiyahan ng isang korte sa Astana si Teymur Akhmedov ng limang-taóng pagkabilanggo dahil lang sa pagsasabi sa iba ng kaniyang relihiyosong paniniwala. Siya ang kauna-unahang Saksi ni Jehova sa Kazakhstan na nahatulang nagkasala dahil sa kaniyang relihiyosong gawain mula nang makamit ng bansa ang kalayaan noong 1991.

Si Mr. Akhmedov ay ibinilanggo nang mahigit tatlong buwan bago pa litisin sa kabila ng pagsisikap ng internasyonal na mga organisasyon na palayain siya at i-house arrest na lang habang hinihintay ang paglilitis. Siya ay 61 anyos, may asawa at tatlong anak na lalaki, at may sakit.

Pinarusahan Dahil sa Pagsamba

Ang mahirap na karanasan ni Mr. Akhmedov ay nagsimula noong Enero 2017 nang arestuhin siya ng secret police ng Kazakhstan, ang National Security Committee (KNB), dahil daw sa paglabag niya sa Article 174(2) ng Criminal Code ng Kazakhstan. Inakusahan siya ng KNB ng “panunulsol ng ... pagkapoot sa relihiyon” dahil sa pagsasabi sa iba ng kaniyang relihiyosong paniniwala.

Ipinasiya ni Judge Talgat Syrlybayev na ang mga sinabi ni Mr. Akhmedov ay ‘nagsusulsol ng di-pagkakasundo sa relihiyon’ at nagtataguyod ng “propaganda ng pagiging eksklusibo, pagiging nakahihigit ng mga mamamayan dahil sa kanilang relihiyon.” Ang judge ay nagpataw rin ng tatlong-taóng pagbabawal sa kalayaan ni Mr. Akhmedov na makibahagi sa “ideolohikal na relihiyosong gawain”—sa gayon, ipinagbabawal ang kaniyang pagsamba.

Si Philip Brumley, General Counsel para sa mga Saksi ni Jehova, ay nagsabi: “Maling-mali ang pagkakapit ng mga awtoridad sa batas. Noong 2016, inanyayahan ng ilang lalaki si Teymur sa isang apartment para pag-usapan ang tungkol sa kaniyang relihiyosong paniniwala. Nagpunta pa nga sila sa bahay niya. Walang kamalay-malay si Teymur na ang mga pag-uusap na iyon ay palihim na inirekord at gagamitin bilang ebidensiya sa kasong kriminal na isasampa laban sa kaniya. Ipinakikita lamang nito na gagawin ng mga awtoridad ang lahat para hadlangan at gawing ilegal ang mapayapang relihiyosong gawain. Ito ay isang pagpilipit sa katarungan.”

Bukod diyan, lubha ring nababahala ang pamilya ni Mr. Akhmedov tungkol sa kaniyang kalusugan. Mayroon siyang nagdurugong tumor (ipinalalagay na kanser), pero ipinagkait ng mga awtoridad na gawin na lang house arrest ang hatol sa kaniya at hindi siya ipinagagamot na kailangang-kailangan niya. Ang mga abogado niya ay nagsampa ng reklamo sa UN Working Group on Arbitrary Detention, UN Special Rapporteur on freedom of religion and belief, at sa UN Special Rapporteur on the rights to freedom of peaceful assembly and of association.

Mananatili Ba ang Kalayaan sa Pagsamba sa Kazakhstan?

Marami nang hamon ang naranasan ng mga Saksi ni Jehova sa Kazakhstan sa pagsasagawa ng kanilang relihiyosong gawain. Ngunit ang di-makatarungang pagkabilanggo ni Mr. Akhmedov ay isang bago at nakagigitlang pag-atake sa kanilang pagsamba. Patuloy na iniaapela ng mga kinatawan ng mga Saksi sa mga awtoridad ng Kazakhstan na igalang ang internasyonal na pangako ng bansa na itataguyod ang kalayaan sa pagsamba nang walang paghadlang ng mga awtoridad.