ENERO 17, 2018
KAZAKHSTAN
Hinimok ng UN Human Rights Committee ang Kazakhstan na Umaksiyon Para kay Teymur Akhmedov
Agad na inaksiyunan ng UN Human Rights Committee ang reklamong inihain ni Teymur Akhmedov noong Enero 3, 2018. Si Mr. Akhmedov ay 61 taóng gulang at may sakit at halos isang taon nang di-makatarungang nakabilanggo. Humingi ng tulong si Mr. Akhmedov sa Committee dahil ibinasura ng mga korte sa Kazakhstan ang mga apela niya at pinagtibay ang hatol sa kaniya na mabilanggo dahil umano sa ilegal na relihiyosong gawain.
Sa isang dokumento na may petsang Enero 9, 2018, hinimok ng Committee ang Kazakhstan na gumawa ng pansamantalang hakbang para sa kapakanan ni Mr. Akhmedov bago pa magdesisyon ang Committee tungkol sa reklamo. Sinabi nito sa mga awtoridad na “agad na kumilos at tiyakin na mabibigyan ng angkop na paggamot [si Mr. Akhmedov] at na naaayon sa [International Covenant on Civil and Political Rights] at internasyonal na mga pamantayan ang kalagayan niya sa bilangguan.” Hiniling din nito sa mga awtoridad na pag-isipan kung puwedeng “palayain [siya] dahil sa kalusugan niya o ikulong na lang siya sa bahay hangga’t wala pang desisyon ang Committee sa reklamo niya.”
Ang kahilingan na gumawa ng pansamantalang hakbang para sa kapakanan ni Mr. Akhmedov ay kasuwato ng opinyon ng UN Working Group on Arbitrary Detention. Noong Oktubre 2017, sinuri ng Working Group ang reklamo ni Mr. Akhmedov at nakita nilang di-makatarungan ang pagbilanggo sa kaniya at dapat siyang palayain ng mga awtoridad at bayaran dahil sa ginawa sa kaniya. Hanggang ngayon, binabale-wala ng gobyerno ng Kazakhstan ang pagkondena ng Working Group sa mga ginagawa nila. Limang-taóng pagkabilanggo ang hatol kay Mr. Akhmedov, at mag-iisang taon na siya.